SENADORA CYNTHIA, MULING NAG-UGALING ‘BALAHURA’?

PUNTO DE BISTA  ni BAMBI PURISIMA

HANGGANG ngayon, hindi pa maalis sa isip ng maraming parishioner ng Our Lady of Fatima Church sa Pamplona 2 sa Las Piñas City, ang kabastusan ng 74-anyos na si Sen. Cynthia A. Villar.

Totoo yata ang kasabihan na ang ugaling pasaway at bastos na nakalakihan sa pagkabata, ito ay madadala hanggang kahit sa pagtanda.

Akala nga ng marami matapos mag-trending ang kawalan ng magandang asal ng senadora, magbabago na ito pero hindi, lalo lang tumindi.

Kasi ang ugaling “balahura” ay nangyari sa loob ng simbahan sa Philamlife Village sa Las Piñas City, na mahirap maitanggi kasi naging trending sa social media.

Magsisimula pa lamang ang concelebrated mass nitong October 13, 2024, bandang alas-10:30 ng umaga nakita sa isang minutong video, tumayo si Aling Cynthia sa kinauupuan at pinuntahan ang kinauupuan ni incumbent Councilor Mark Anthony Santos, katabi nito si Vice Mayor April Aguilar-Andanar na pamangking buo ng senadora.

Ano kung sagrado ang gagawing misa, ano ba kung maraming tao, basta makikita sa video, sinugod, dinuro at pinagsalitaan ng masama ni Sen. Cynthia si Konsehal Santos.

Ang banal na okasyon para sa Panginoong Diyos ay nagimbal sa inasal ng senadora pa mandin, sa lakas ng talak ng senadora, nasindak, napanganga sa magkahalong takot at ‘di mawaring emosyon ang mga nagsisimba.

Pista iyon ni Our Lady of Fatima at naroroon ang ilang pari at obispo na magsasagawa ng banal na misa, napa-Susmaryosep ang mga ito sa nasaksihang inasal ng tinatawag pa namang “Honorable Senator!”

Ah, hindi na maitatanggi, iyon na talaga ang natural na ugali ng senadora, kahit sa simbahan pa, kahit saan pa, ‘pag sinumpong ng pagiging matona at astang emperadora, walang sisinuhing tao at walang pakialam kahit pa sa loob ng simbahan.

Basta ang mahalaga, mailabas ang galit nito, maipakita ang pagkamuhi sa isang tao, at nagkataon, ang napagbuntunan ng galit nito ay si Konsehal Santos na kalaban nito sa pagka-kongresista ng Las Piñas sa 2025 elections.

“Grabe ka! Nakakasuka ang ugali mo,” ito ang komento ni Bals Ricky sa Facebook.

Sabi naman ni Viceral Mark, “Hala! Bakit lagi na lang galit si senadora. Nakakahiya!”

“Nasa loob pa talaga ng simbahan. Dapat ba itong iboto ng mga taga Las Piñas? Wala na sa lugar itong attitude n’ya. Lagi na lang nangangaway,” sabi ni Mark.

“Iskandalosa! Nakakasukang asal brought to you by Camella Homes,” komento naman ni Ronald Abalos.

Ito ang negative reaksyon ni Claire Begafria: “Maam Cynthia with all due respect po, bigyan nyo ng kahihiyan ang sarili nyo po. Respetuhin nyo po ang simbahan. Pag-aari nyo ang halos lupa ng Las Pinas pero hindi nyo po pag-aari ang mundo. Sobra na po ang mga pang-aalipusta nyo kahit simbahan ‘di nyo pinalampas.”

“Naturingang mayaman at senadora pero yung asal grabe! Mas marunong pa rumespeto ng simbahan ang mga walang pinag-aralan,” sabi naman ni Castro Gerwin.

May payo naman si Jonas Charles kay Camille Villar. aniya: ” Camille nanay mo nagkakalat na naman sa loob pa ng simbahan. Hiya-hiya din pag may time. Iboboto nyo pa ba itong ale na ‘to? Feeling entitled.”

“This incident raises questions about personal restraint and the importance of practicing what one preaches, particularly in a sacred space. Nakakahiya. Sumusobra ka na senadora!” ayon kay Nicanor Empleo.

Wika naman ni Jesse Doledo: “Such behavior from a senator can erode public trust and respect, potentially harming her reputation. Ano ba Cynthia!!! Ang hirap mong ipagtanggol! ”

Ito ang ika-5 trending video sa Tiktok na naglantad ng matapobre, balahurang ugali ni Aling Cynthia.

Mga taga-Las Piñas, iboboto pa ba n’yo ang lola n’yong walang pinagkatandaan at lalo pang nagiging bastos at walang galang kahit sa loob ng simbahan?

It’s time, magpalit kayo ng kinatawan sa Kongreso na hindi bastos, at hindi matapobre.

Alisin n’yo ang malas sa inyong buhay!

Ibinabasura ang taong basura ang ugali at walang respeto sa simbahan!

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe lang sa bampurisima@yahoo.com.

31

Related posts

Leave a Comment