SINO NGA BA SI TONY YANG?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

SIYA ay isang negosyanteng Tsino na nakatatandang kapatid ni Michael Yang, dating economic adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte, na itinanggi na ang kanyang maraming negosyo ay kasangkot sa mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa pinakahuling pagdinig ng Quad Committee noong Setyembre 27, 2024.

Sa kabila ng kanyang mga pahayag ng kawalang-sala, ang mga testimonya at ebidensya ay nagpapakita ng isang kumplikadong web ng panlilinlang na nagdudulot ng seryosong mga katanungan tungkol sa kung paano umunlad ang mga negosyanteng Tsino sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Yang Jian Xin ang Chinese name ni Tony Yang, habang Antonio Maestrado Lim ang pangalan na nakalista sa Philippine birth certificate na nakuha ni Tony Yang.

Mayroon siyang ilang business entities na nakarehistro sa Securities and Exchange Commission (SEC) gamit ang kanyang Philippine birth certificate.

Sa nakagugulat na pahayag, inamin ni Yang na ang kanyang Philippine birth certificate ay peke, na nakuha niya ilang taon na ang nakalilipas nang dumating siya sa Pilipinas.

Si Tony Yang ay lihim na nag-operate sa Cagayan de Oro (CDO) sa loob ng mahigit dalawampung taon. Sa kasalukuyan, mayroon si Yang na illegal na POGO na matatagpuan sa Yangtze building sa Alwana Business Park, CDO, at isang pabrika ng bakal na nagkakahalaga ng P800 milyon, na tinatawag na Philippine Sanjia Steel Corporation, sa Misamis Oriental.

Si Yang ay nakalista bilang pangunahing stockholder at corporate officer ng OroOne Incorporated, isang POGO service provider na nakarehistro sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR). Gayunpaman, itinanggi ito ni Yang sa pamamagitan ng pag-amin na siya ay isang dummy lamang ng may-ari nito na umupa sa kanyang Yangze building.

Ang setup na ito ay napaka-similar sa mga POGO arrangement nina Alice Guo at Cassie Ong, kung saan ang Baofu Land Development ni Alice ay nagrenta sa Hongsheng Gaming Technology Inc./Zun Yuan Technology Inc. sa Bamban, Tarlac, at ang Whirlwind Corporation ni Cassie ay nagrenta sa Lucky South 99 sa Porac, Pampanga. Maliwanag na ito ay parallel operations – bagama’t sa iba’t ibang lokasyon – at nagmumungkahi ng isang kumplikadong network ng mga sindikatong kriminal na may magkakaugnay na mga personalidad mula sa Tsina.

Tungkol sa Philippine Sanjia Steel Corporation ni Yang, lumabas na ito ay may operasyon sa 3,000-ektaryang industrial compound ng Philippine Veterans Investment Development Corporation (Phividec) sa Baluarte, Tagoloan, Misamis Oriental.

Ang Memorandum of Understanding sa Phividec, na nagpapahintulot sa Sanjia Steel na umupa ng lupa sa halagang P30 lamang kada metro kwadrado sa loob ng 25 taon, ay nilagdaan noong 2018 noong si Rodrigo Duterte pa ang pangulo ng bansa.

Ang Sanjia Steel, na may sariling pantalan, ay nahalungkat ding ginamit bilang daanan para sa mga ilegal na droga, smuggled na bigas, at iba pang kalakal papasok sa bansa.

Sa nakaraang mga pagdinig, naipakita na konektado si Michael Yang kay dating Pangulong Duterte, at ang kanilang mga kasamahan sa kalakalan ng ilegal na droga sa Pilipinas.

Ang hindi reguladong pantalan na ito ay nagbigay-daan sa kanila na makapaglipat ng toneladang imported na ilegal na droga sa bansa, na tila isang pangunahing daanan ng droga sa Mindanao.

Bilang karagdagan sa kahina-hinalang mga negosyo na ito, si Tony Yang ay naiugnay rin sa kaduda-dudang negosyanteng Tsino, si Lin Weixiong/Allan Lim.

Ang OroOne ni Tony Yang ang service provider para sa Xionwei Technology Co. Ltd., isang POGO licensee.

Si Rose Nono Lin, asawa ni Lin Weixiong/Allan Lim, ay isang incorporator at stockholder ng Xionwei.

Siya rin ang taong sangkot sa kontrobersyal na Pharmally scandal noong 2021, na nagbigay-diin sa mga katanungan kung paano nakakuha ang isang hindi kilalang kumpanya na may minimal na kapitalisasyon, ng mga kontrata mula sa gobyerno na nagkakahalaga ng bilyon at naglantad ng mga isyu tulad ng overpriced at substandard na kalidad ng mga medikal na suplay na inilaan para sa healthcare workers.

Samantala, si Michael Yang ay nagsilbing financier at guarantor para sa Pharmally at siya rin ang nagpakilala sa mga opisyal ng Pharmally kay Duterte sa Davao City.

Habang si Tony Yang at maraming iba pang kaduda-dudang mga negosyanteng Tsino ay matagal nang nag-ooperate nang lihim, nagsimula silang umunlad at naging mas matapang sa ilalim ng administrasyong Duterte.

105

Related posts

Leave a Comment