CLICKBAIT ni JO BARLIZO
IBA kung magdiwang ng kanyang kaarawan ang Pangulo. Pasimple. Sinagot ba naman lahat ng bayarin ng mga pasyente na nasa tertiary public hospitals sa bansa.
Treat as in regalo ni PBBM ang zero-billing. Galing sa laman ng bulsa o sa kaban ng bayan?
Sige, palakpakan na rin natin kahit isang araw lang ang regalo at kahit saang lukbutan ito dinukot. Kahit saan hinugot, basta minsan ding nanlibre.
Pero ‘yung simpleng regalo ay pasakalye lang pala ng magarbong sorpresa raw sa Pangulo.
Ang English pop rock band Duran Duran pala ang nag-perform sa ika-67 birthday party ni President Bongbong Marcos.
Kinumpirma ito ng Malacañang, ngunit nilinaw na ito ay sorpresa sa kanya.
Pahayag ng Presidential Communications Office, nagselebra si Marcos ng kanyang kaarawan matapos ang nakapapagod na araw na puno ng mga opisyal na engagements.
Iniulat na naglakbay ang Pangulo upang ipagkaloob sa mga magsasaka ang condonation ng kanilang utang at niregaluhan sila ng bagong financial program. Bukod pa riyan, iniutos niya ang zero-billing sa mga pasyente ng 3rd level DOH hospitals. Binuksan din ni Marcos ang mga gate ng Malacañang, kung saan naghihintay ang food booths sa mga tao na dumating para batiin siya.
Pagkatapos nito ay ginugol ni Marcos ang natitirang mga oras ng kanyang kaarawan kasama ang mga kaibigan na naghandog ng party para sa kanya sa isang hotel sa Pasay City.
Sinorpresa siya ng pagpe-perform ng Duran Duran, na tila isa sa mga paboritong banda ng Pangulo.
Ang Duran-Duran ay sumikat noong dekada 80. Nabuo ang Duran Duran, isang English pop rock band, sa Birmingham, England noong 1978. Isa sa kanilang sikat na kanta ang “A View to a Kill” mula sa soundtrack ng James Bond film ng parehong pamagat, ang ikapito at huling paglabas ni Roger Moore bilang agent 007.
Kaya walang duda na peyborit ito ni PBBM. Kapanahunan niya ‘yun. Mahilig nga ang Pangulo sa mga concert ng mga banyagang banda. Gumamit nga siya ng presidential chopper para mapanood ang concert ng Coldplay. Nasanay sa maluhong party kaya itong sorpresa ng mayayamang kaibigan ay labis na kinalugdan.
Kaso, sa panahong marami ang hikahos, nagugutom, walang trabaho, mababang pasahod, at iba pang aberya at sakit ng lipunan na pinapasan ng mga Pilipino, ang konsiyerto ng banyagang banda para sa kaarawan ng Pangulo ay isang luho, panakip sa hindi maayos at mabuting pangangasiwa, at kapritsong mula sa sorpresa ng mga generous na kaibigan o bumubuhos na kuwarta sa baul ng pera ng sambayanan.
Naalala ko tuloy ang yumaong si PNoy na bumili ng magarang sasakyan. Bagaman galing sa sariling pera, agad niyang ibinenta ang Porsche 911, limang buwan lang matapos niyang bilhin dahil sa pagdadabog ng taumbayan. Sabi nila, hindi nakaka-Presidente ang asal na maging maluho sa gitna ng kahirapan.
Balik tayo kay Pang. Marcos Jr., may dahilan kung bakit pinapalagan ng taumbayan ang ‘treat’ na concert ng kanyang mga kaibigan. Posible kasing may hinging kapalit ang mga nanlibre. Iyon ang nakakatakot.
Ilantad kaya niya sa publiko sino mga kaibigan na ‘yan?
Buti pa siya, hindi lang isa ang kaibigan.
92