SUPORTA SA MGA PILIPINONG ATLETA

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

NAGING napakamakasaysayan ng Olympics Games para sa Pilipinas ngayong taon dahil sa karangalang hatid ng mga Pilipinong atletang kumatawan sa Pilipinas.

Bago magsimula ang Olympics, mayroon na kaagad hamon para sa 22 atleta na ipinadala sa Paris, France. Dahil sa Tokyo 2020 Olympics kung saan nag-uwi ang Filipino weightlifter na si Hidilyn Diaz ng kauna-unahang gold na medalya para sa bansa. Bukod pa diyan, mayroon pa tayong dalawang silver at isang bronze.

Pero itong Olympics ngayong taon ang nagpatunay ng kakayahang ng mga Pilipinong atletang makipagsabayan talaga dahil sa nakabibilib na performance nitong nakaraang linggo.

Ipinagdiwang nang husto ang magkasunod na pagkapanalo ng gymnast na si Carlos Yulo ng dalawang gold na medalya. Sinundan pa ‘yan ng bronze medals naman ng boxers na sina Aira Villegas at Nesthy Petecio.

Ang dami pang ibang kontrobersiya at ingay sa social media sa kasagsagan ng Olympics, pero hindi nito nakayang tumbasan ang galing at karangalang ipinamalas nina Carlos, Aira at Nesthy — at pati na rin ang iba pang Pilipinong atletang nagpakitang gilas at lumaban para sa bansa.

Patunay ang performance na ito sa kahalagahan ng mas maigting pang suporta para sa mga Pilipinong atleta — na kadalasan ay may kani-kanilang pagsubok na kinakaharap dahil sa madugong pagsasanay at mga pangangailangan para sa mga pandaigdigang kompetisyon.

Isa sa mga talagang sumusuporta sa industriya ng sports sa bansa ay si Manny V. Pangilinan o MVP, na pinasalamatan agad ng presidente ng Philippine Gymnastics Association (PGA) pagkatapos ng panalo ni Carlos Yulo.

Ayon kay Cynthia Carrion, nagkaloob ang PGA at si Carlos Yulo ng plaque ng pasasalamat kay MVP dahil sa buong suporta nito sa gymnastics, at sa pagtulong na mapadala ang atleta para makapagsanay sa Japan.

Sa isang social media post, ipinahayag din ni MVP ang pagkilala kay Yulo at nagbahagi ng larawan ng MVP Sports Foundation Gymnastics Center na nagsisilbing training ground ng mga Pilipinong atleta.

Sa bawat tagumpay ng atletang Pilipino, hindi lamang sila ang nakikinabang dahil sumisimbolo rin sila ng pambansang pagkakakilanlan. Ang tagumpay nila sa Olympic Games o sa World Championships ay nagpapakita ng potensyal ng mga Pilipino sa pandaigdigang entablado.

Bukod pa diyan, masasabi nating talaga namang nagsisilbi silang inspirasyon sa mga kabataan na nangangarap na makamit ang kanilang mga ambisyon. Ipinapamalas nila ang bukod tanging dedikasyon, sakripisyo, at tiyaga dahil hindi talaga madali ang kanilang pinagdadaanan.

Nakatutulong din sila na magkaroon ng pagkakaisa at pagsasama-sama ng mamamayan ng bansa. Ang suporta mula sa publiko, gobyerno, at mga institusyon ay mahalaga upang masiguro ang kanilang kalusugan at kabutihan.

Siyempre, malaki rin ang papel na ginagampanan nila sa pagpapalago at pagpapabuti pa ng industriya ng sports sa bansa. Nagkakaroon ng mas maraming interes at suporta sa industriya, na maaaring magresulta sa pagtaas ng oportunidad para sa iba pang mga atleta at pagpapabuti ng mga pasilidad at programa para sa sports.

Saludo sa Team Pilipinas na nagtaas ng bandera ng bansa sa Paris! At saludo rin sa kanilang mga kasama sa laban na ito gayundin ang mga nasa likod nila na patuloy ang pagtangkilik at pagsuporta.

Sana ay magtuluy-tuloy pa ang pagsuporta sa mga Pilipinong atleta, hindi lamang para sa kanilang personal na tagumpay kundi para sa bansa.

290

Related posts

Leave a Comment