SIGURO tanungin muna ng gobyerno ang mga tao kung anong vaccine sa COVID-19 ang gusto nilang bilhin at iturok sa kanila ng gobyerno para maging immune na sa virus na ito na hindi pa nawawala.
Dapat magpa-survey ang gobyerno para malaman ang pulso ng mga Filipino na gustong mabakunahan ng covid-19 vaccines.
Kaya nilang gawin yan.
Nandyan naman ang mga private survey firms at Philippine Statistic Authority (PSA).
Bakit kailangan ito? Dahil maingay na ang bakuna na gawa ng China ang gustong bilhin ng gobyerno na gagamitin sa mass vaccination at nang makabalikwas na ang mga tao mula sa pandemyang ito.
Hindi sa minamaliit natin ang gawang China pero marami akong nakaka-usap na wala silang tiwala sa bakuna ng bansang ito at mas gusto nila ang gawa ng ibang bansa.
May mga frontliners ang nagsasabi na hindi sila magpapaturok kung ang ituturok sa kanila ay gawang China.
Gagastos na lang daw sila ng kanilang sarili pera sa ibang bakuna.
Hindi natin sila masisisi dahil wala pa namang report kung ilang porsyento ang effectivity ng bakuna na gawa ng China kumpara sa ibang bakuna sa ibang bansa na itinuturok ngayon sa mga mamamayan ng mga mayayamang bansa.
Yung mga may kaya sa buhay, nakapila na sila sa mga private hospital para kapag available na ang covid-19 vaccines sa bansa ay makapagpaturok na sila pero hindi ang bakuna na galing China ang pinipilahan nila.
Palagay ko kahit ang mga opisyales ng gobyerno ay nakapila na, hindi sa bakuna na galing sa China.
Sa impormasyong nakuha ng iyong DPA, marami na ring mayayaman ang nakatakdang lumipad patungong Amerika at United Kingdom (UK) para makapagpaturok na sila sa bakuna na ginagamit ngayon sa mga bansang ito.
Ayaw nilang maghintay dahil base sa mga lumalabas na impormasyon, saka lang magkakaroon ng bakuna sa Pilipinas sa second quarter hanggang third quarter ng taon o mula Abril hanggang June at July hanggang September.
Masyadong matagal yun kaya mahaba-haba pa ang paghihintay ng mga Filipino kaya yung may kaya at mayayaman ay personal nang magtungo sa US at UK para magpaturok. Parang noong panahon ng Dengvaxia na ang mga mayayamang Filipino na ayaw magpabakuna ay nagpuntahan sa Singapore para doon magpabakuna.
Dehado na naman ang mga pobre kapag nagkataon dahil wala silang choice kundi magpaturok ng bakuna na galing China habang yung mga may kaya at mayayaman na kayang gumastos ay ibang gamot ang ituturok sa kanila.
Kaya para walang sisihan, kailangang magpa-survey ang gobyerno at tanungin kung saang bansa gawa ang covid-19 vaccine na gusto nilang bilhin ng gobyerno para sa kanila. Baka masayang lang ang mga bakuna na popondohan pa naman ng P72 Billion kung walang gustong tumanggap kapag walang consent ang publiko kung anong bakuna ang dapat bilhin.
Utangin man o galing sa tax payers money ang pambili ng bakunang ito ay pera pa rin yun ng mamamayan at may say sila kung anong bakuna ang gusto nilang iturok sa kanila.
Sige na, magpa-survey na kayo habang hindi pa nakakabili ang gobyerno ng bakuna. Isama ang mamamayan sa pagdedesisyon dahil buhay nila ang nakataya dito.
