PULIS AT SUNDALONG NASIBAK DAPAT IMONITOR

MAY suhestiyon ang tagasubaybay ng PUNA na tutukan daw ng Philippine National Police (PNP) sa pamumuno ni General Debold Sinas ang mga dating pulis na nasibak na sa serbisyo.

Bakit? Kasi karamihan daw sa mga ito ay nasasangkot sa mga ilegal na gawain. Tulad daw ng pagkakasangkot sa ilegal na droga, holdapan, gun running, carnapping, smuggling at iba pa.

May punto po ang ating tagasubaybay lalo na yung mga pulis na ang dahilan ng kanilang pagkakatanggal sa serbisyo ay dahil sa paggawa ng kalokohan.

Noon ngang nasa serbisyo pa sila ay hindi sila natakot na gumawa ng masamang gawain kahit pa nanumpa sila sa bandila ng Pilipinas na magiging tapat sila sa kanilang mga tungkulin ngayon pa kaya na isa na silang mga sibilyan.

Malakas ang kanilang loob na gumawa ng ilegal dahil dati silang alagad ng batas at alam nila ang kalakaran ng pulis.

Sabi pa ng ating tagasubaybay na madali namang matutunton kung saan nakatira ang mga dating pulis dahil may record naman yan sa PNP National Headquarters sa Camp Crame, Quezon City.

Kadalasan pa sa mga ito, pag pumasok sa sindikato ay nagiging lider sila.

Kahit na wala sila sa serbisyo ay mayroon pa rin silang mga baril dahil ang isinosoli lang naman nila sa PNP ay ang isyu sa kanilang service firearms.

Sanay rin silang humawak ng baril at malakas din ang kanilang dibdib kaya madali sa kanila na pumasok sa ilegal na gawain.

Maging ang mga nasibak na sundalo ay dapat din daw imonitor ng mga awtoridad.

Ilan pa sa mga ito ay ­nagiging riding in tandem. ­Speaking of ­riding in tandem, saan na raw ang motorcycle unit ng PNP?

Ito raw kasi ang pantapat sa riding in tandem criminals.

Hinahanap ito ng taumbayan, bakit wala raw makita sa mga lansangan sa Metro Manila?

Matatandaan kamakailan sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinatatapatan niya ng motorcycle unit ng PNP ang ­riding in tandem criminals.

Hindi yata sinunod ng PNP ang kautusan ni Pangulong Duterte na ipakalat sa mga ­lansangan ang motorcycle unit nila.

Tama ang sinabi ni Pangulong Duterte na walang ibang makakaresolba sa problema sa riding in tandem criminals kundi ang pulis din na nakamotor.

Mas madali makahabol sa riding in randem criminals ang PNP motorcycle unit kesa mobile patrol na apat ang gulong.

Kung kaya nga lang sana sa budget ng gobyerno natin na bilhin ang kabayo ay mas maganda sanang gamitin ng mga pulis, tulad sa Amerika at ibang bansa.

Maganda sanang panghabol ang kabayo sa mga kriminal dahil kahit saan pumunta ang suspek ay kayang sundan ng kabayo.

Sa ngayon hangga’t hindi pa kayang bumili ng mga kabayo ang gobyerno para gamitin ng mga pulis ay pagtiyagaan na lang muna ang motorcycle service nila.

Kung tutuusin magagaling naman sana ang ating mga awtoridad ang problema nga lang sa kanila kung minsan ay mga tamad sila.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com.

147

Related posts

Leave a Comment