Tuluyan nang binigo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang manggagawang Filipino sa pag-veto niya ng Security of Tenure Bill, isa sa mga malaking pangako niya nang siya ay tumakbong pangulo noong 2016.
Malubhang pinalabnaw na nga ang bersyon na umabot sa kanyang mesa. Sa orihinal na panukalang batas na inihain ng Makabayan bloc, isinulat natin ang pagnanais ng mga manggagawa na tuluyang pagtanggal ng kontraktwalisasyon. Sa mga pagdinig na ginawa sa loob ng Kongreso at Senado, unti-unti nang tinanggal ang mga probisyon na hindi kanais-nais sa mga kapitalista. Sa kabila nito, hindi pa rin pinirmahan ni Duterte ang Security of Tenure Bill o SOT.
Bumaligtad na ang dating matigas na posisyon ni Pangulong Duterte noong kampanya niya na tatapusin niya ang Endo. Sa sulat na pinadala ni Pangulong Duterte na nagpapaliwanag sa kanyang posisyon sa Security of Tenure, sinabi niya na “necessary” o kinakailangan ang labor o job contracting. Sabi pa niya, kailangan na ang mga negosyo ay makapagsasabi kung nais nilang gawing kontraktwal ang kanilang mga manggagawa.
Ito ang pinakabuod ng kontraktwalisasyon sa Pilipinas, na ang mga negosyante mismo ang nakakapagdikta ng mga relasyon sa produksyon. Natural na pipiliin nila ang iskemang lubhang pagkakakitaan nila habang patuloy na pinagsasamantalahan at binabarat ang lakas paggawa ng mga manggagawa.
Kahit sa bersyon ng SOT na inihain sa pangulo ay hindi na nito niresolba ang isyu ng kontraktwalisasyon. Ngunit, kahit ang huwad na pakinabang ng manggagawa sa pinalabnaw na panukalang batas ay hindi pa kinayang igawad ng pangulo. Ang malinaw sa ginawa niyang ito ay ang tunay niyang pinagsisilbihan ay ang mga kapitalista at hindi ang mga manggagawa at iba pang naghihirap nang mamamayan. Kaya naman, tuloy ang ating pakikibaka sa sapat na sahod, ligtas na lugar paggawa, regularisasyon, at iba pang karapatan ng manggagawa. (Kakampi Mo ang Bayan / TEDDY CASIÑO)
158