TINUSOK SA TAINGA, DINURAAN SA MUKHA, IKINULONG NG AMO SA RIYADH

AKO OFW

Ang hindi na matagalang physical at verbal abuse ang nagtulak sa isang overseas Filipino worker (OFW)  na humingi ng tulong sa Ako OFW.

Sa sumbong ng ating kabayan na si Lady Lee Mangindel Bautista na noong nakaraang buwan ay pinisil ng kanyang among babae na kung tawagin niya ay madam ang kanyang panga dahil sa sobrang galit at saka siya sinuntok sa braso na hindi naman nagpasa kaya walang patunay na bakas.

Binantaan din umano siya nito na puputulin ang kanyang dila kapag nagsumbong o kapag kanyang kinausap ang amo niyang lalaki.

Minsan na rin umano nitong hiniling na mag-­usap-usap sila para masabi niya ang kanyang problema, pero ayaw pumayag ng kanyang among lalaki na si Sayal Ziad Sindih Al Harthy.

Ayon pa sa sumbong, mula noong si Lady Lee ay dumating sa tahanan ng kaniyang amo sa Tamer St. Almajma, Riyadh ay bigla na lang nagseselos ang kanyang among babae kahit walang dahilan. Pati driver at amo niyang lalaki ay pinagseselosan umano nito.

Sobrang pahirap din ang ginagawa sa kanya ng amo niyang babae gaya ng manu-manong paglalaba hanggang sa magsugat ang kanyang kamay.

May mga sandali ring hinahatak at pinipisil siya nito sa braso kapag may hindi siya naiintindihan na salita, at tinutusok ng daliri ang kanyang tainga.

Nitong Oktubre 6 ay pinagtulungan umano siya ng kanyang among lalaki at babae na kaladkarin dahil nakiusap lamang siya na hindi na niya kayang magtrabaho sa sobrang sakit ng kanyang kamay. Tumigil lamang ang kanyang mga amo nang inawat sila ng anak ng mga ito.

Pagkabitiw sa kanya ay ikinulong na umano siya ng isang araw at isang gabi at dinuraan sa mukha ng among babae at sinabihan siyang siya ay basura lang.

Nais ni Lady Lee na makaalis na sa bahay ng kanyang mga amo at makabalik na sa kanyang pamilya. Natatakot rin siyang baka malaman ang kanyang pagsusumbong at totohanin ng among babae ang bantang putulan siya ng dila.

Asahan mo Lady Lee na makararating ang sumbong mo na ito sa OWWA Welfare upang maipatawag ang iyong employer at ahensya na M&P EMPLOYMENT INC.

Tiyak naman na magiging mabilis ang pagtulong sa iyo dahil kilala  naman ang ating mga labor attache na mabilis sa pag-aksyon sa sumbong. (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

199

Related posts

Leave a Comment