PUNA ni JOEL O. AMONGO
IBANG level na ang Bureau of Customs (BOC), pati ba naman ang kanilang mga empleyado ay pinagbabayad sa travel authority (TA) nila?
Ayon sa natanggap nating impormasyon, isang opisyal ng Internal Administration Group ng Bureau of Customs (BOC), ang nasa likod ng paniningil ng bayad ng travel authority (TA) na hinihingi ng mga empleyado ng opisinang ito.
Ibang klase ang opisyal na ito, pati ba naman ang mga empleyado nila ay ginagawa nitong palabigasan.
Isang sulat ang ipinarating ng rank and file ng Bureau of Customs (BOC) kay Commissioner Bienvenido Rubio kaugnay sa paniningil umano ng isang opisyal ng Aduana sa mga empleyado sa tuwing sila ay mag-aapply ng travel authority para makapagbiyahe.
Para sa kaalaman po ng ating mga tagasubaybay, ang TA ay kailangan ng mga kawani ng gobyerno kapag sila ay mag-aabroad para sa isang seminar, schooling o bakasyon.
Dahil dito, hiling ng mga empleyado kay Rubio na sibakin ang isang opisyal ng Internal Administration Group (IAG) dahil sa paniningil ng bayad para sa simpleng TA issuance gayong libre naman dapat daw ito.
Nagkakahalaga umano ng P20,000 ang ibinabayad ng mga empleyado na gustong magbiyahe, personal man o official travel, sa nabanggit na opisyal.
Bukod kay Comm. Rubio, pinadalhan din ng kopya ng liham ang House of Representatives at Department of Finance.
Bukod pa sa usapin ng paniningil sa TA, inirereklamo rin ang pansamantalang hindi pinangalanang opisyal, ng pangingikil sa mga empleyadong gustong ma-promote.
‘Pag gusto ng isang Customs security officer na ma-promote bilang Special Agent 1, kailangan niyang maglagay ng P200,000 hanggang P500,000 sa nabanggit na opisyal. Hanep ka, Boy!
Samantala, P500,000 hanggang P1 million naman ang bayad sa IAG official na ito para ma-promote bilang Assistant Customs Operations Officer 1.
Nagkakahalaga naman ng tatlong milyong piso (P3M) sa puwesto bilang Customs Operations Officer 2, at Customs Operations Officer 3.
Nasa P5 milyon umano ang kailangang ibigay sa opisyal para maging Customs Operations 5 ang empleyado ng BOC.
Babantayan nating ang isyung ito, kung ano ang magiging aksyon ni Comm. Rubio, laban sa reklamong ito.
Ang ganitong mga opisyal na nanunungkulan sa opisina ng gobyerno ay hindi na dapat nagtatagal pa sa kanyang pwesto, maraming pahihirapan nito.
Pati ba naman mga empleyado ay ginagawa nitong palabigasan, ibang klase ka, Boy!
Dapat patunayan ni Comm. Rubio na hindi niya kinukunsinti ang mga opisyal na korap na katulad nitong opisyal na inireklamo sa kanya.
Kung hindi niya (Rubio) aaksyunan ang reklamong ito ay pagdududahan siya na nakikinabang siya sa ginagawa ng opisyal na ito.
Kaya hindi mawala-wala sa listahan ng mga opisina ng gobyerno na pinaka-korap ang Bureau of Customs ay dahil hindi rin mawala ang kaliwa’t kanang isyu ng katiwalian dito.
Dapat na nga bang bakantehin na ni Comm. Rubio ang kanyang pwesto bilang hepe ng BOC?
oOo
Para sa reaksyon at suhestiyon, mag-text sa cell# 0977-751-1840.
6