TULONG SA MGA ESTUDYANTE, TULONG SA BAYAN

SA TOTOO LANG

Maganda itong isinusulong na panukalang batas ni Senator Sonny Angara para sa kapakanan ng mahihirap na mga estudyante ng bansa.

Ang Senate Bill No. 132 o ang proposed Underprivileged Student’s Discount Act of 2019 ay naglalayong matulungan ang mahihirap na mga magulang para maging malawak pa ang oportunidad ng kanilang mga anak na estudyante na makapag-aral nang maayos.

Kapag tuluyang maging batas ito ay tunay na magko-compliment ito mismo sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act o ang Free College Law.

Malaking kaagapay ito ng marami nating kababayang mahihirap dahil alam naman natin na sobrang mahirap ang magpaaral sa panahon ngayon dahil sa laki ng matrikula at sa magastos ding school supplies – na hiwalay pa riyan ang kanilang mga baon at pamasahe sa araw-araw.

Sa dinami-rami ng bayaring ganyan ay maraming mga magulang ang bumibitaw na lamang na pag-aralin ang kanilang mga anak kahit pa alam nila kung gaano ito kahalaga sa kanilang pamilya at kinabukasan ng kanilang mga supling.

Limang porsyenteng diskuwento ang matatanggap ng mga underprivileged student para sa basic at education services. At ang maganda pa ay pupuwede ito at applicable sa mga estudyante na nasa mga pribado o nasa pampublikong paaralan o maging nasa non-degree technical-vocational courses.

Applicable rin ito sa food establishments sa buong bansa, kabilang pa riyan ang mga gamot; textbooks at school supplies; tuition, miscellaneous at iba pang school fees. Pasok din dito ang diskwento sa pagpasok sa museums, theaters at cultural events. Ang lahat ng mga iyan ay kinakailangan ng mga bata dahil wala naman silang kawala sa ganyan lalo pa’t kung requirements ito sa kani-kanilang mga eskwelahan.

Hindi rin naman magiging problema ito sa mga magbibigay ng diskwento dahil nasa batas din naman ito na wala silang ikalulugi.

Para sa mga establishment at mga eskwelahan na magbibigay ng mga diskuwento sa mga estudyante, sila ay maaaring mag-claim ng gastos at ito ay bilang pinahihintulutang bawas sa buwis mula sa kabuuang kita sa pag-compute ng kanilang income tax alinsunod sa mga probisyon ng National Internal Revenue Code ng Pilipinas.

Panahon naman na talagang kailangan ng tulong ng mga mamamayan mula sa gobyerno. Para ano pa’t sa huli na makapagtapos ng mga pag-aaral ang mga bata ay kapakinabangan din naman ito ng ating bansa. (Sa Totoo Lang / ANN ESTERNON)

276

Related posts

Leave a Comment