Ang pagpapaunlad ng turismo ay magbubukas ng maraming trabaho sa bansa na makatutulong sa pagpapagaan ng kahirapan lalo na sa indigenous cultural communities.
Hindi dapat sayangin ng pamahalaan ang pagkakataong ibinibigay ng lumalagong industriya ng turismo sa mga magagandang lugar na madalas pasyalan ng mga turista – mapa-lokal man o banyaga dahil ito ay paraan para magkaroon ng mas maraming trabaho at pagkakakitaan ng ating mga kababayan.
May mga tourist destination kasi sa ating bansa na sakop ng ancestral domain ng mga katutubo na nasasalaula dahil sa iilang mga mamumuhunan na pansariling interes lang ang iniisip at ipinaiiral ang paggahaman sa salapi.
Ang industriya ng turismo ay may malaking ambag sa ekonomiya ng ating bansa ngunit huwag din sanang maisaalang-alang ang kapakanan at karapatan ng mga katutubong Filipino. Mahalaga na igalang natin ang kanilang karapatan sa ilalim ng Indigenous Peoples Rights Act of 1997 na nagbalik sa kanilang karapatan na pamahalaan ang lupaing ninuno at nagdiin sa pangangailangan para protektahan ang integridad ng kultura na kanilang nakagisnan.
Kapag may diskriminasyon at pang-aabuso sa indigenous cultural communities gaya ng pangangamkam sa kanilang pag-aaring lupain ay dapat na maging responsable at mamagitan ang pamahalaan upang hindi malapastangan ang kanilang mga karapatan.
Dapat ding kausapin o magkaroon muna ng dayalogo sa kanilang grupo kung mayroong mga itatayong proyekto at imprastruktura ang gobyerno sa kanilang komunidad gaya ng pagsasaayos ng kalsada, pagtatayo ng tulay at iba pa upang maging malinaw sa kanila ang pag-unlad na hatid nito.
Maliban sa mga importanteng imprastuktura sa IP communities, kailangan ding bigyan ng trabaho at mga pagsasanay ang mga katutubo sa programang pang-turismo para sila mismo ang magsisilbing manggagawa sa mga itatayong negosyo na malapit sa kanilang komunidad.
Sa ganitong paraan ay mabibigyan natin ng kapangyarihan ang mga katutubo para paunlarin ang kanilang komunidad at makakaengganyo ito ng mga dayuhang turista sapagkat may bagong karanasan silang maipagmamalaki sa kanilang pagpunta dito sa bansa. Maipapakita at mapatutunayan natin sa buong mundo na pagdating sa pag-angat sa kabuhayan at pangangalaga sa kultura ay pantay-pantay ang ating pagtingin sa IP communities.
Sa tourist spots na sakop o malapit sa lugar ng indigenous cultural communities ay dapat mayroong access ang mga katutubo sa serbisyong hatid ng pamahalaan gaya ng sapat na edukasyon, medikal na atensiyon, higit na suporta para sa pagpapaunlad ng mga lupaing ninuno at pagpapabuti ng kanilang kabuhayan.
‘Ika nga sa isang kanta, “hindi masama ang pag-unlad kung hindi makakasira ng kalikasan” – at hindi rin sana malapastangan ang paligid na kinagisnan ng ating mga kababayang katutubo. (Forward Now / Rep. Fidel Nograles)
291