DAVAO del Sur – Pinaniniwalalang may kaugnayan sa trabaho ng isang opisyal ng Internal Affairs Services (IAS) sa Davao del Sur ang motibo sa pagpaslang sa kanya makaraang pagbabarilin sa Isulan, Sultan Kudarat, sa gitna ng ipinatutupad na quarantine checkpoint noong Miyerkoles.
Idineklarang wala nang buhay si Major Victorino Pansoy, nakadestino sa Davao del Sur Police Provincial Office, nang idating sa Sultan Kudarat Provincial Hospital.
Ayon sa ulat ni Colonel Modesto Carrera, hepe ng Isulan Police Office, pinagbabaril ang biktima ng hindi kilalang suspek dakong alas-4:00 ng hapon.
Sa inisyal na imbestigasyon, napag-alaman na si Pansoy kasama ang kanyang asawa at isang taon gulang na anak, ay kasasakay lamang sa kanilang pulang pick-up sa harap ng kanilang apartment sa Barangay Sampao, Isulan, nang biglang pagbabarilin ng hindi kilalang suspek.
Masuwerteng nakaligtas sa pamamaril ang anak at asawa ni Pansoy.
Napag-alaman na unang nadestino si Pansoy sa Maguindanao at Sultan Kudarat provinces, sa IAS unit at ilang pulis na ang kanyang nakasuhan sa ilalim ng nasabing ahensya. (DONDON DINOY)
208 