OPISYAL NG PEZA BINIRA NI MARCOS

NAKATIKIM ng pambabatikos ang ilang opisyal ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) sa Senado matapos matuklasan ni Senador Imee Marcos na ipinaubaya ng gobyerno sa pribadong sektor ang inisyatibo sa paglikha ng economic zone upang makahikayat ng mga foreign investment.

Lumabas ang patakarang ito nitong Miyerkoles sa kasagsagan ng pagdinig ng Senate Committee on Economic Affairs na tumatalakay sa ilang panukalang batas sa pagtatayo ng bagong economic zones at freeports sa Ilocos Norte, Cavite, Surigao del Sur at Sarangani provinces.

Sinabi ni Marcos, chair ng nasabing komite, na nabuking niya sa hearing na nasa 84 ecozone sa bansa mula pa noong 2016 ay inisyatiba pala ng pribadong sektor, ayon sa testimonya ng PEZA.

“So ang 84 ecozones pala ay gawa ng pribadong sektor at wala ni isang ginawa ang ating mga economic managers? Kawawa!” patuyang sinabi ni Marcos.

Sinabi rin sa hearing ni Department of Finance (DOF) policy and research director Juvy Datufrato na intensyon ng ahensya na ipakarga o ilipat na sa pribadong sektor ang pinansyal na pasanin ng gobyerno.

Dahil dito, nanghihinayang na sinabi ni Marcos na nawawalan tuloy ng pagkakataon na kumita at makalikha ng maraming trabaho lalo na sa malalayong probinsya, dahil sa nasabing pagtanggi sa mga lokal na pamahalaan na nagnanais na makapagtayo ng ecozones. (ESTONG REYES)

317

Related posts

Leave a Comment