‘OPLAN CYBERDOME’ PINAGANA KONTRA NOV 5 CYBER ATTACK

CYBER ATTACKS

NAGLABAS ng direktiba si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at iba pang ahensya ng gobyerno na paigtingin ang pagbabantay laban sa posibleng cyberattacks na inaasahang tatama ngayong Nobyembre 5, 2025.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, inatasan ng Pangulo ang DICT at lahat ng cyber teams ng pamahalaan na maging alerto at handa sa posibleng Distributed Denial of Service (DDoS) attacks.

“The President directed the DICT and all cyber teams in government to be vigilant and prepare for the November 5 possible DDoS attacks,” pahayag ni Castro sa press briefing sa Malacañang.

Batay sa ulat ni DICT Secretary Henry Aguda, pinagana na ang Oplan Cyberdrome — isang sistema na layong protektahan ang lahat ng digital government services at maging ang mga critical private infrastructures gaya ng bangko, telcos, at ospital.

“The public is assured that the government and the private sectors are working hand in hand to ensure all digital services are available and secure,” dagdag ni Castro.

Ipinaliwanag pa ni Castro na papayagan ng Oplan Cyberdrome ang DICT na agad makapagtugon sa anumang banta o aktwal na cyber attack. Sa kaso ng online disruptions, hinimok ng Malacañang ang publiko na mag-avail ng in-person services sa mga tanggapan ng gobyerno.

Nauna nang nagbabala ang DICT sa posibilidad ng DDoS attacks na maaaring targetin ang iba’t ibang websites at networks sa bansa.

Ang DDoS attack ay nagaganap kapag sinasadya ng mga ‘malicious actors’ na punuin ng sobra-sobrang traffic ang isang website hanggang sa bumagal o tuluyang mag-crash ito.

Gayunman, tiniyak ng DICT na mananatiling ligtas ang personal accounts, data, at pera ng publiko sa kabila ng banta.

(CHRISTIAN DALE)

77

Related posts

Leave a Comment