BINIGYANG pagkilala at parangal ang dalawampu’t dalawang senior citizens mula sa iba’t ibang dako ng bansa kasabay ng paggunita sa bansa ng Elderly Filipino Week sa QC MICE Convention Center kamakailan.
Pinangunahan ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes ang pagkilala sa 22 natatanging senior citizens mula sa Luzon, Visayas at Mindanao.
“Sila ang mga indibidwal na patuloy na pinatutunayan na hindi hadlang ang edad para patuloy na makagawa ng mahahalagang bagay sa komunidad,” ani Ordanes.
Idiniin ng mambabatas na napakahalaga ng senior citizens sa pagbuo ng pamayanan kung saan tunay na nararamdaman ang malasakit at pagpapahalaga sa kapwa.
Siyam na senior citizens naman ang ginawaran ng Cong. Jun Datol Natatanging Pagkilala Award dahil sa natatanging ambag sa mga programa ng Senior Citizens Party-List at sa promosyon ng mga karapatan at kapakanan ng nakatatandang populasyon.
Samantala, ngayon 20th Congress tiniyak ni Ordanes na patuloy niyang isusulong ang adbokasiyang Kalusugan, Kasiyahan, at Kabuhayan para mabuhay ang bawat senior citizen sa bansa na may dignidad, kasiyahan at seguridad sa buhay.
Aniya prayoridad niya ang pagsusulong ng Universal Social Pension, Geriatric Health Programs, Employment Opportunities for Seniors, at ang Graduated Senior Citizens Act.
“Ang ating minamahal na senior citizens ay hindi lamang tanda ng ating nakaraan, sila ay buhay na patotoo ng katatagan, pagmamahalan at serbisyo,” sabi pa ni Ordanes.
