KINONDENA ni Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia ang umano’y planong pag-atake laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at sa kanyang pamilya, na tinawag niyang “isang duwag na gawain na laban sa diwa ng Republika at dangal ng sambayanang Pilipino.”
Lumabas ang impormasyon mula kay Pebbles Cunanan, isang blogger na nagsabing may mga grupo umanong konektado sa ilang tagasuporta ng nakaraang administrasyon na nag-uusap tungkol sa naturang plano.
“Ang anomang banta laban sa Pangulo ay banta rin laban sa Republika,” pahayag ni Goitia. “Isa itong pag-atake sa ating demokrasya, kapayapaan, at sa katatagang pinanghahawakan ng bawat pamilyang Pilipino.”
Nanawagan si Goitia sa mamamayan na magsanib at manindigan laban sa anumang tangkang pabagsakin ang pamahalaan o saktan ang Pangulo.
“Maaaring hindi ka sang-ayon sa lahat ng kanyang desisyon o polisiya, pero kailanman, hindi magiging tama ang paggamit ng karahasan,” aniya.
“Sa demokrasya, salita at kaisipan ang sandata — hindi armas.”
Binigyang-diin din ni Goitia na dapat managot sa batas ang sinumang mapatunayang kasangkot.
“Malinaw ang batas. Ang sabwatan o pagtatangka laban sa buhay ng Pangulo o ng kanyang pamilya ay hindi lang mabigat na krimen — ito ay paglapastangan sa mismong pundasyon ng Republika,” dagdag niya.
Ayon sa kanya, ang pagprotekta sa Pangulo ay hindi lamang tungkol sa isang tao, kundi sa katatagan ng bansa.
“Ang Pangulo ay sagisag ng pamahalaan at pagkakaisa ng Estado. Kapag inatake ang institusyon ng pagkapangulo, humihina ang bansa. Kaya ang pagprotekta sa Pangulo ay pagprotekta sa Republika,” paliwanag ni Goitia.
Dagdag pa niya, dapat ding igalang ang dignidad at seguridad ng pamilya ng Pangulo.
“Hindi lang ang Pangulo ang pinagbabantaan sa ganitong mga usapin kundi pati ang kanyang pamilya. Lumalampas ito sa hangganan ng moralidad at pagkatao,” aniya.
Hinimok din ni Goitia ang mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon at tiyakin ang due process.
“Ang katotohanan ay dapat lumabas sa tamang proseso ng batas, hindi sa haka-haka o ingay sa social media. Ang hustisya ay dapat maging matatag at makatarungan,” sabi niya.
Nagpaalala rin siya sa publiko na umiwas sa pagpapakalat ng hindi kumpirmadong impormasyon.
“Huwag tayong magpakalat ng takot o galit. Sa halip na tsismis, magpalaganap tayo ng katotohanan. Sa halip na pagkakahati, itaguyod natin ang pagkakaisa at kapayapaan,” panawagan pa ni Goitia.
Sa huli, nanawagan siya sa lahat ng Pilipino — anuman ang kulay sa politika — na magkaisa sa pagtatanggol sa Republika.
“Ang pagprotekta sa Pangulo ay hindi bulag na katapatan. Ito ay tanda ng pagmamahal sa bayan. Dahil kapag pinoprotektahan natin ang katatagan ng pamahalaan, pinoprotektahan din natin ang kabuhayan, seguridad, at dangal ng bawat Pilipino,” diin ni Goitia.
“Hindi natin kalaban ang isa’t isa kundi ang pagkakawatak-watak at poot,” dagdag pa niya. “Magsama-sama tayo sa ilalim ng iisang watawat, gabayan ng batas at malasakit sa bayan upang manatiling matatag ang ating Republika.”
Habang kumakalat ang balitang ito sa social media at mga himpilan ng radyo, marami ang nagtatanong kung totoo ang umano’y plano.
Ayon kay Goitia, ang pagiging mausisa ng publiko ay senyales ng buhay na demokrasya.
“Hayaan nating maging mulat ang mga Pilipino. Ang bansang may alam ay bansang hindi madaling linlangin,” ani Goitia.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng apat na makabayang at sibikong organisasyon: Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.
(JULIET PACOT)
68
