ARESTADO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration ang isang American national na wanted sa U.S. federal authorities dahil sa drug trafficking.
Kinilala ni BI Commissioner Joel Anthony Viado ang pugante na si Henry Watkins, kilala rin bilang si “Tutu,” 51-anyos na American national.
Siya ay inaresto noong Marso 18 sa kanyang bahay sa Barangay Ubaliw, Polangui, Albay, ng mga operatiba ng BI’s Fugitive Search Unit (FSU).
Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng gobyerno ng Amerika na humingi ng tulong sa BI para mahanap at ma-deport si Watkins.
Nakumpirma na si Watkins ay nasa U.S. Drug Enforcement Administration (DEA) wanted list dahil sa kanyang pakikipagtulungan sa notoryus na Sinaloa drug cartel sa Central America.
Kilala rin si Watkins na gumagamit ng dahas upang mangolekta ng kita sa droga at umano’y nagsisilbi bilang enforcer para sa “Devil’s Disciples” motorcycle gang sa Chicago, Illinois.
Samantala, naaresto rin ng BI-FSU ang Egyptian national na overstaying sa Naga City noong Marso 19.
Kinilala ang dayuhan na si Bakhit Akram Mnayer Gouda, 37-taong gulang.
Inireklamo si Gouda ng direct assault at oral defamation sa isang police officer.
Kinasuhan din ito ng hiwalay na reklamo ng lokal na residente dahil sa paglabag sa Safe Spaces Act dahil sa umano’y immoral acts.
Kapwa nasa kustodiya ng BI ang dalawang dayuhan habang hinihintay ang kanilang deportasyon.
(JOCELYN DOMENDEN)
