Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga – Mahigit sa P8 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasabat ng Police Regional Office 3 (PRO3) sa kampanya laban sa ilegal na droga at naaresto ang maraming high value individuals (HVIs) sa serye ng mga operasyon sa loob ng tatlong araw.
Noong Marso 23, 2025, bandang alas-4:45 ng hapon, ang pinagsamang anti-illegal drug operation, sa pangunguna ng Station Drug Enforcement Units (SDEU) ng Police Stations 4 at 6, Angeles City Drug Enforcement Unit (ACDEU), at City Intelligence Unit (CIU), ay nagresulta sa pagkakaaresto kina alyas “Usup”, 36, at “Lourdes” na kapwa HVI.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang 1,043.01 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P7,092,468.00, isang kalibre .45 Norinco pistol, isang suppressor/silencer, live ammunitions, drug paraphernalia, at isang Toyota Wigo na ginamit sa kanilang ilegal na aktibidad.
Nasamsam din ang buy-bust money na binubuo ng marked bill at boodle money.
Nag-ugat ang operasyon sa intelligence na nakalap ng CIU, ACPO, na nag-uugnay kay Jonah Francia sa pamamahagi ng droga at mga insidente ng robbery-holdup na target ang mga Korean national sa Barangay Anonas, Balibago, at Pampanga.
Isang araw bago ito, noong Marso 22, 2025, nagsagawa ang Bulacan Police Provincial Office (BPPO) ng serye ng anti-illegal drug operations, na nagresulta sa pagkakaaresto sa limang HVIs at nakumpiska ang 120 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P816,000.
Dakong alas-12:40 ng madaling araw, naaresto ng mga tauhan ng CDEU ng Meycauayan City Police Station, sina alyas “Pao”, 41, call center agent, at “Jokjok”, 42, mekaniko, sa Barangay Lawa, Meycauayan City. Nahulihan sila ng 54 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P367,200.
Hindi nagtagal, dakong ala-1:30 ng madaling araw, nahuli ng mga operatiba ng San Jose Del Monte City Police Station (SJDM CPS) sina alyas “Jules”, 39, at “Rey”, 40, sa Barangay Bagong Buhay 1. Nakuha sa kanila ang 51 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P346,800.
Kinagabihan, alas-8:00 ng gabi, ang magkasanib na buy-bust operation ng CDEU-SJDM CPS at PIU-Bulacan PPO sa Barangay Graceville, SJDM, ay humantong sa pag-aresto kay alyas “Dondon”, 41, kilalang miyembro ng “Mangoda Group” na sangkot sa gun for hire at drug operations.
Nakumpiska sa kanya ang 15 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P102,000 at isang caliber .45 pistol.
Pinuri ni PRO3 Director PBGEN Jean S. Fajardo ang mga operatiba sa kanilang walang humpay na pagtugis sa mga sindikato ng droga, idiniin na ang kanilang dedikasyon ay lumampas sa regular na oras ng tungkulin.
(ELOISA SILVERIO)
