OVERSTAYING KANO, PUGANTENG HAPON ARESTADO SA BI

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang overstaying na turistang Amerikano makaraang manakit ng isang tao sa isang five-star hotel sa Parañaque City.

Kinilala ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado ang suspek na si Evan Ronald Berlin, 31, inaresto ng BI Fugitive Search Unit (FSU) sa kanyang bahay sa Poblacion, Makati City sa bisa ng mission order na inisyu sa kanya dahil sa pagiging undesirable.

Nag-ugat ang kaso dahil sa reklamong pananakit sa isang biktima sa isang bar matapos siyang komprontahin dahil sa pagmolestiya umano sa misis nito

“He will undergo deportation proceedings for overstaying and undesirability. Foreigners who violate our immigration laws and harm people do not deserve the privilege to stay in our country,” ayon kay Viado.

Si Berlin ay dumating sa bansa noong Marso 5, 2023 bilang temporary visitor at nag-expire ang kanyang application for extension noong Hulyo 2023.

Samantala, isang puganteng Japanese national na hinihinalang miyembro ng Luffy fraud syndicate na kinilalang si Odaira Kai, 25, ang inaresto sa tinutuluyang condominium sa Jose Abad Santos Ave., San Fernando City, Pampanga.

Si Kai ay inaresto ng FSU sa bisa ng mission order na inisyu sa kahilingan ng kanilang gobyerno.

Ayon sa Japanese authorities, si Kai at kasabwat ay tinutugis sa pagnanakaw ng ATM cards.

Nagpanggap umano na mga awtoridad ang mga ito matapos arestuhin ang isang matanda at ipina-surrender ang bank card na gagamitin umano sa imbestigasyon.

Mahigit 4-million-yen cash o US$27,000 ang umano’y ninakaw mula sa biktima sa pamamagitan ng unauthorized withdrawals gamit ang ninakaw na card.

Sina Berlin at Kai ay kapwa nakadetine sa BI Custodial Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

(JOCELYN DOMENDEN)

 

14

Related posts

Leave a Comment