MABA-BANGKAROTE na ba ang Overseas Workers Welfare Administration?
SA pagdinig ng Senate Committe on Labor Employment and Human Resource Development, sinabi ni OWWA Administrator Hans Cacdac na posibleng maubos ang pondo ng OWWA kung patuloy ang pagbuhos ng mga OFW na ire-re patriate o pauuwiin dahil sa epekto ng COVID 19.
Maari kasing umabot sa halos 4.5 bilyong piso ang kailangan na gastusin sa pagpapauwi ng mga OFW kasama na rin ang mga gagastusin para ipambayad sa mga hotel na ginagamit na quarantine facilities. Dagdag pa ang pagkain at transportasyon na gagamitin naman pauwi sa kani-kanilang probinsiya.
Bukod pa rito, nakakaapekto rin ang hindi pagbabayad ng maraming mga OFW ng kanilang membership. Sa katunayan, sa halos 10 milyon na OFW ay hindi pa umaabot sa 2 milyon ang aktibong nagbabayad para maging miyembro ng OWWA.
Ngunit kapag napapahamak sa ibang bansa ay agad na sa OWWA humi hingi ng ayuda kahit pa hindi aktibong miyembro.
Sa nakaraang OWWA Board Meeting na aking dinaluhan, ay nasabi sa report na inaasahan pa ang higit sa 150,000 OFW ang kinakailangan na i-repatriate o pauwiin.
Maaring ang bilang na ito ay madagdagan pa kung ang pagbabasehan ay ang sinasabi ng ilang Senador na maari itong umabot ng 300,000 hanggang 500,000 na OFW.
Maliban sa mga Mercy Flight o chartered flight na isinagawa para lamang maiuwi ang ating mga kabayani, halos lahat ng gastusin ay ipinaako ng Inter Agency Task Force (IATF) sa OWWA.
Sa mga nakaraang board meeting ay nagpahayag na ng pagtutol kaming representate ng private sector sa OWWA Board na hindi dapat na solohin ng ahensiya ang gastusin sa mga repatriated na mga OFW dahil ang pondo nito ay isang pribadong pondo na ang pinagmulan ay perang ibinayad OWWA members.
Sa simula pa lamang ay hiniling namin na dapat ay ang gobyerno ang umako ng gastusin. Sa totoo lang, nakakalungkot na laging ang pribadong pondo ng mga miyembro ang laging tinatarget ng gobyerno kapag kailangan ng mga OFW.
Katuwiran nga ng ibang OFW Leaders ay ang mga OFW ay nagbabayad din naman sa POEA bago ito makaalis, ngunit kahit minsan ay hindi natin narinig na naglabas ng pondo ang POEA para sa kapakanan ng mga OFW.
Maraming programa ang pinaglalaanan ng OWWA para sa kapakanan ng mga OFW. Kamakailan nga ay nag-apruba ang OWWA Board ng halagang P2 bilyong piso para sa pangkabuhayan ng mga aktibong miyembro ng OWWA na napauwi sa bansa dahil naapektuhan ng krisis dulot ng COVID-19.
Naaprubahan din ang dagdag na quota o bilang ng scholars para sa mga anak ng mga aktibong miyembro ng OWWA. Samantala ang mga dati pang mga benepisyo katulad ng burial at medical assistance ay patuloy na ipinagkakaloob sa mga aktibong miyembro.
Sa katanungan na tulyan na bang maba-bangkarote ang OWWA sa taong 2021? Posible ito kung hindi hahayaan ang OWWA na maglagak ng investments sa mga katulad ng pinagkakakitaan ng SSS at GSIS. At kung patuloy na hindi magbabayad ng membership fee ang mga OFW at lalo na kung hindi magbibigay ng ayudang pondo ang ating gobyerno.
