OWWA NAGKALOOB NG TULONG KAY OFW EMERLITA GONZALES

AKO OFW

Kahabag-habag ang naging itsura ng bangkay ni Emerlita Gonzales noong siya ay aking nakita habang inaayos pa sa punerarya ang kanyang mga labi.

Magugunita na si Gonzales ay isa sa mga OFW na tumakas sa kanyang malupit na employer at tumakbo sa Bahay Kalinga sa konsulado ng Jeddah, Saudi Arabia at inatake sa puso na naging dahilan ng kanyang pagkamatay.

Halos buong araw na inantay ng pamilya ang  pagtunaw ng yelo na bumalot sa buong katawan ni Gonzales na nasa morge sa Saudi Arabia simula pa noong Enero.

Halos magkatabi-tabi­ngi ang kanyang mukha at ilan pang parte ng kanyang katawan na hinala ng mga tauhan ng punerarya ay maaaring nadaganan ng iba pang bangkay habang ito ay nasa morge.

Sa aking unang pagpunta sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) nitong nakaraang Lunes sa regular na flag raising ay ako ay nakiusap kay OWWA  Administrator Hans Cacdac na kung maaari ay aking ipakausap nang personal sa kanya ang anak ni Gonzales na si Jacqueline upang humingi ng tulong mula sa OWWA.

Mabilis naman na umayon at personal na nakipag-usap si Admin Cacdac na kung saan ay nakiusap ng tulong para sa pagpapalibing ng kanyang ina.

Matapos ang maik­ling mga pananalita habang umiiyak, ay agad namang tinugunan ni Admin Cacdac ang hinihiling na tulong ng anak ni OFW Emerlita at bukod sa tulong pinansyal para sa pagpapalibing ay nangako rin na ibibigay ang scholarship para sa naiwang anak ni OFW Emerlita.

Ang buong Ako OFW ay labis na nakikiramay sa pamilya ni OFW Gonzales na naihatid na sa huling hantungan sa Sta. Rosa, Laguna kahapon.

oOo

Ang Ako OFW ay naglalaan ng espasyo para sa ating mga OFW. Ipadala po lamang ang inyong mga sumbong o reklamo sa aking email sa ako.ofw@yahoo.com (Ako OFW / DR. CHIE LEAGUE UMANDAP)

191

Related posts

Leave a Comment