OWWA ON WHEELS MATAGUMPAY SA REGION 4A

NAPUNO ang basketball court ng bayan ng Victoria sa lalawigan ng Laguna nitong nakaraang Miyerkoles dahil sa ginanap na kauna-unahang OWWA on Wheels na kung saan ay binitbit ni OWWA Region 4A Director Allan Ignacio ang kanyang mga piling mga tauhan upang magbigay ng serbisyo para sa mga OFW at kanilang pamilya.

Maaga pa lamang ay dumating na ako sa lugar na pag-gaganapan ng programa dahil talagang excited ako na makita ang mga serbisyong ipagkakaloob sa ating mga OFW. Ibig ko kasing makita ang magiging reaksyon ng mga OFW at pamilya ng OFW sa tulong na inilalapit ng OWWA para sa kanila.

Hindi ako nagkamali sa Β­aking expectations dahil talagang dinumog at masaya ang lahat ng mga dumalo. Sinimulan ang maikling programa sa isang mensahe mula kay Mayor Frankie Almeida sa pamamagitan ni PESO Β­Manager Rolante Puno at ni Director Allan Ignacio.

Bilang OWWA Board of Trustee ay nabigyan ako ng pagkakataon na makapagbigay ng mensahe na kung saan ay isa-isa kong ibinida ang mga programa ng OWWA na maaring matanggap ng ating mga OFW.

Binigyang diin ko sa aking mensahe ang programang Tulong Puso. Aking ipinahiwatig ang aking kalungkutan na sa loob ng halos 5 buwan simula ng Β­mailunsad ang Tulong Puso project ng OWWA ay dalawa pa lamang ang nag-apply para makakuha ng tulong pinansiyal o grant.

Ipinahiwatig ko rin ang aking kalungkutan dahil ang naging inspirasyon ko sa pagsulong ng programang ito ay ang mga kahilingan at tampo ng mga retiradong OFW na kung saan ay lagi nilang sinasabi na sa tagal nang kanilang pagtatrabaho ay hindi man lamang sila nakatanggap ng anumang benepisyo mula sa OWWA.

Kung kaya, sa programang OWWA Tulong Puso ay Β­masasabi na walang OFW na maiiwan o hindi makikinabang. Sa programang ito kasi ay kinakailangan lamang na magbuo ng isang grupo na kinabibilangan ng 5 hangang 31 miyembro para makakuha ng 150,000 hanggang 1 milyon piso na grant.

Ngunit dahil sa ating isinagawang OWWA On Wheels ay mas nabigyan ng impormasyon ang ating mga OFW at hindi pa man natatapos ang programa ay excited na ang bawat isa na simulan ang pagproseso ng kanilang mga dokumento.

Nabigyan rin ng pagkakataon ang mga dumalo na makapagtanong sa pamamagitan ng open forum. Karamihan sa kanilang naitanong ay ang proseso na kanilang dapat gawin upang maka-avail ng Tulong Puso.

Pero ang isa pang nakakatuwa ay ang tila blockbuster sa sinehan na pinilahan ng mga OFW ang iba pang mga serbisyo katulad ng application para sa OWWA Scholarship, DOLE –AKAP at maging ang iba pang serbisyo na malimit ay kailangan pa nilang dayuhin sa OWWA Calamba Office.

Nangako si Director Allan Ignacio na ang programang OWWA on Wheels ay patuloy na gaganapin sa iba pang mga lalawigan sa buong Region 4A na kinabibilngan ng Cavite, Laguna, Batangas , Rizal at Quezon.

Umaasa ako na ang ganitong programa ng OWWA ay magaganap din sa marami pang rehiyon sa buong Pilipinas upang mas higit na maramdaman ng mga OFW at ng kanilang pamilya ang serbisyong may pagmamalasakit na katulad nga ng tag line nito na OWWA Cares.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa (02)84254256.

218

Related posts

Leave a Comment