OWWA TULONG PUSO, PINAGHAHANDAAN NA NG MGA GRUPO NG OFW

AKO OFW Ni CHIE LEAGUE UMANDAP

 

 

ISINAGAWA nitong Biyernes sa pamamagitan ng Zoom webinar ang kauna-unahang pagtalakay sa bagong ­programang pangkabuhayan ng Overseas Workers ­Welfare Administration(OWWA).
Mga pinuno ng samahan ng OFW at mga overseas ­Filipino workers (OFWs) mula sa iba’t-ibang bansa ang ­dumalo at matamang nakinig sa presentasyon ni OWWA National Reintegration Center for OFW (NRCO) Director Roel Martin. Matapos ang nasabing webinar, ay sobrang na-excite at kanya-kanyang pagpa-plano na ang mga OFWs.

Ang Tulong Puso na may kabuuang pangalan na Tulong Pangkabuhayan sa Pag-unlad ng Samahang OFWs Program ay nakapaloob sa OWWA Board Resolution 12-2020, ay isang programa na pagbibigay ng puhunan para sa mga grupo ng mga OFW na apektado ng COVID 19 pandemic.

Batid ng OWWA na ­maraming mga OFW ang ­lubhang naapektuhan ng krisis na dulot ng pandemya, katunayan ay inaasahan na halos aabot sa 300,000 hangang 600, 000 ang mga OFW na ­malamang na tuluyan ng uuwi ng Pilipinas dahil sa pagkawala ng hanap-buhay sa ibang bansa.

Kung kaya, naisip ng OWWA Board of Trustees na magbigay ng programa na layunin na matulungan na ­makabangon o makapagsimulang magnegosyo ang mga uuwing mga OFW.

Kaiba sa mga naunang Reintegration program na ipinagkakaloob ng OWWA sa mga indibidwal lalo na ang distressed OFWs, ang Tulong Puso ay dinisenyo upang hikayatin ang mga OFW sa isang komunidad na magsama-sama at ­magkaisa upang bumuo ng isang negosyo na maaring kumita at mapalago na ang ­kikitain ay kanilang mapaghahati-hatian.

Aabot sa halagang 250,000 piso hangang 1 milyon piso ang maaring matangap ng grupo ng OFW depende sa negosyo o business plan na kanilang mapagkakaisahan na isusumite sa komite na bubuuin kada rehiyon sa buong Pilipinas.

Isa sa probisyon na ­ikinatuwa ng mga lider ng OFW ay ang pagkakataon na makasali sa grupo ang mga retirado o mga dating OFW na umuwi na sa Pilipinas. Sa ­insiyal na ­implementing Rules ay nakasaad na 80% ng ­miyembro ng grupo ay dapat na aktibong miyembro ng OWWA, samantala ang 20% ng ­miyembro ay maari ang mga datihan o retiradong OFW.

Ang NRCO sa pamumuno ni Dir. Martin ang nagsagawa ng pag-aaral ng programang ito na personal kong isinulong ­nitong nakaraang OWWA Board of meeting.  Kaya labis akong nagpapasalamat sa ­aking mga kasamahan na ­miyembro ng OWWA Board dahil matapos ng ilang buwan na pag-busisi at pag-aaral ay na-aprubahan ito.

Batid ko na ito ang matagal ng inaantay ng mga OFW lalo na ng mga retiradong OFW. Marami kasi ang sadyang nagtatampo na sa OWWA na malimit na sinasabi na matagal na silang miyembro ng OWWA, ngunit kahit minsan ay hindi man lamang sila nakinabang sa mga benepisyo ukol sa pangkabuhayan.

Sa dati kasing mga ­programa na pangkabuhayan ay maari ka lamang maka-avail kung ikaw ay may kolateral o distressed workers. Bagay na hindi mapakinabangan ng mga skilled workers. Ngunit

sa bagong programang Tulong Puso, ay maari ng makinabang hindi lamang ang mga ­domestic helpers kundi pati na rin ang mga skilled workers, seafarer at ang mga retiradong OFW.

                                                                                                                                                             oOo

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin  sa e-mail  address  saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa  (02)84254256.

228

Related posts

Leave a Comment