NASAMSAM ng mga tauhan ng Taguig City Police ang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1.1 milyon at naaresto ang dalawang lalaki sa isang buy-bust operation nitong Lunes.
Isinagawa ng Station Drug Enforcement Unit ng Taguig Police ang operasyon sa South Union Drive, Arca South, Barangay Western Bicutan. Arestado ang dalawang mataas na value target na kinilalang sina alyas Christian, 23, at alyas Alex, 26, parehong residente ng Barangay South Signal Village.
Nasabat sa operasyon ang 164.3 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1.1 milyon, isang P500 bill na ginamit bilang buy-bust money, at limang P1,000 bill na ginamit bilang boodle money.
Inihahanda ng pulisya ang pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek dahil sa paglabag sa Sections 5 (sale), 26 (attempt/conspiracy), at 11 (possession of dangerous drugs) ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Isusumite ang reklamo sa Taguig City Prosecutor’s Office.
Pinuri ni Col. Byron Allatog, hepe ng Taguig Police, ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon na aniya’y bahagi ng patuloy na kampanya upang guluhin ang mga network ng suplay ng ilegal na droga sa lungsod.
Sinabi naman ni BGen. Randy Arceo, acting district director ng Southern Police District, na ang pagkakaaresto sa dalawang high-value target at pagkakasamsam ng P1.1 milyong halaga ng shabu ay patunay ng patuloy na determinasyon ng Taguig Police at ng SPD na labanan ang illegal drug trade.
(CHAI JULIAN)
117
