TINATAYANG P1.28 bilyon ang street value ng ilegal na droga na nakumpiska ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency sa ikinasang anti-narcotics operation nitong Biyernes ng umaga sa Bacoor City, Cavite.
Ayon kay PDEA Public Information Office chief, Dir. Derrick Carreon, umaabot sa 149 kilos ng shabu ang kanilang nakumpiska matapos ang isinagawang buy-bust operation ng kanilang mga tauhan.
Nabatid na matapos ang isinagawang intelligence gathering at case build-up ay inilatag ng mga operatiba ng PDEA Cavite, PDEA IIS, PDEA SES, AFP Task Force Noah, AFP SIF, NICA, BOC, PNP-DEG NCR, PNP-DEG SOU 4, Cavite PPO & Bacoor CPS ang anti-drug operation sa B16, L9, Manager Drive sa Barangay Molino 3.
Kinilala ni PDEA Director General Wilkins Villanueva ang mga naarestong drug personalities na sina Jorlan San Jose, Joseph Maurin, at Joan Lumanog, pawang mga tubong Talatag, Bukidnon.
Mahaharap sila sa mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakumpiska sa drug operation bilang ebidensya ang 149 kilograms ng umano’y shabu na P1.0281 billion ang street value, buy-bust money at cellular phone. (JESSE KABEL/SIGFRED ADSUARA)
