MISTULANG nabudol-budol ang Republika ng Pilipinas ng ABS-CBN Corporation matapos palabasin na nagbayad ang mga ito ng halos P14.4 Billion mula 2016 hanggang 2019 gayung P1.4 Billion lamang dito ang totoong buwis na binayaran ng mga ito sa loob ng apat na taon.
Ganito inilarawan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang nangyari sa gobyerno sa pag-iimbestiga ng House committee on legislative franchise at committee on good government and public accountability hinggil sa umano’y tax evasion case ng ABS-CBN Corporation.
“Alam nyo Mr. (Ricardo) Tan, (isa sa opisyales ng ABS-CBN), nag-aral kayo sa abroad? Alam n’yo (ba) ang ibig sabihin ng nabudol-budol? Dito sa nangyayari, dun sa ipinapakita, parang nabudol-budol ang Republika,” ani Defensor.
Labis ang pagtataka ni Defensor dahil napakaliit ang binabayarang buwis ng ABS-CBN Corporation kesa sa GMA-7 gayung mas malaki at mas malawak ang sakop ng mga ito.
Ayon sa mambabatas, noong 2018 lamang ay nagbayad ang GMA-7 ng income tax na P1.4 Billion habang ang ABS-CBN ay P1.4 Billion lamang ang binayaran sa loob ng apat na taon o mula 2016 hanggang 2019.
“Papaano nangyari na mas malaki ang ABS-CBN, mas malawak ang sakop ng ABS-CBN mas maliit ang pinapasok [na] taxes nya…kaya pumapasok ang pagtatanong dun sa Big Dipper kasi gustong makita paano naitago ito,” ani Defensor.
TAX SHIELD
“Numbers don’t lie. Big Dipper Company is ABS-CBN Corporation’s tax shield. It is a very creative, unusual tax scheme in order for ABS-CBN Corporation to evade paying the proper amount of taxes to the government,” komento naman ni Kabayan party-list Rep. Ron Salo matapos ang kanyang interpelasyon.
Ang Big Dipper ay pag-aari rin ng mga Lopez na inirehistro sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na ang tanging kliyente ay ang ABS-CBN mismo at ginagamit ito para mag-distribute ng mga produkto ng network sa ibang bansa kung saan kumita ang mga ito ng P15 Billion sa nakaraang 10 taon.
“As a PEZA-registered company, Big Dipper is entitled to a preferential tax rate of 5% from its gross income, tax holidays in the first 5 years of its operation, and free from taxes and duties on its importation. To top it all, its dividend declarations to ABS-CBN Corporation which amounted to P1B in 2016, P2.5B in 2017, P2.2 B in 2018, and P2.3B in 2019 are all tax-exempt because they are both domestic companies,” ani Salo.
Ganito rin ang paniniwala ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta at posibleng ginawa umano ito ng ABS-CBN para hindi magbayad nang tamang buwis.
“To us, Big Dipper was organized simply to act as a subterfuge para maging understated po yung income. Big Dipper was basically used as a subterfuge to cover up earnings and be taxed at a lower rate. This is my assumption, kasi napakalaki po nung group revenue kung ikukumpara doon sa parent,” ani Marcoleta.
Kaugnay nito, pinarerebyu ni House committee on appropriation Chairman Eric Yap ang tax regulation sa bansa matapos mabuko ang tax avoidance scheme umano ng ABS-CBN na pag-aari ng pamilyang Lopez.
Sa statement ni Yap na binasa ni House committee on good government and public accountability vice chairman Mike Defensor, sa pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN, naniniwala ito na ang Big Dipper na pag-aari rin ng pamilyang Lopez ay ginagamit para makaiwas ang mga ito na magbayad ng tamang buwis.
“Sa natapos na pagdinig ng Kongreso kahapon tungkol sa usaping taxes ng ABS-CBN, naging malinaw sa atin ang tax avoidance scheme na ginamit nila sa pamamagitan ng mga Distribution Companies nila sa Luxembourg, Hungary at Cayman Islands,” ani Yap. (BERNARD TAGUINOD)
