TINULDUKAN ng Bureau of Customs ang nakaraang taon sa pagtatala ng karagdagang P1.5 bilyong kita mula sa post clearances na inisyu ng kawanihan mula Enero hanggang Disyembre 2021.
Sa ulat ng Post Clearance Audit Group (PCAG) na pinamumunuan ni Customs Deputy Commissioner Vincent Philip Maronilla, pumalo sa P1,522,216,793.42 ang kabuuang halaga ng salaping nakalap ng kawanihan, batay sa “annual accomplishment and revenue collections” na inihain sa isang Executive Committee Meeting ng Bureau of Customs kamakailan.
Anila, ang nasabing halaga ay bahagi ng 349 Audit Notice Letters (ANL) na inilabas ng kawanihan bilang tugon sa umiiral na patakaran ng nasabing ahensya.
Sa pagtatala ng BOC, 25% mas mataas ang P1.5 bilyong koleksyon mula sa post clearances kumpara sa naitalang pumasok na pondo para naman sa taong 2020.
Paglilinaw ng ahensya, may mga naiwan pang singilin ang kanilang tanggapan para naman sa mga pending clearances na saklaw ng taong 2019, 2020 at 2021 para sa pahabol na kita.
Sa pinakahuling tala ng kawanihan, mayroon pang 55 demand letters ang tinututukan ng BOC legal services sa hangaring makapagpasok pa ng tinatayang P12,468,110,546.82 bilyon mula sa mga mga importers.
Binigyang pagkilala naman ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang mga kawani ng ahensyang kanyang pinamumunuan sa sigasig, katapatan at suporta sa paglilinis ng kawanihang dating kilala lamang sa katiwalian. (JOEL AMONGO)
SA gitna ng panibagong banta ng malawakang hawaang dala ng Omicron variant, muling inobliga ng pamunuan ng Bureau of Customs ang kanilang kawani sa paggamit ng mga angkop na proteksyon laban sa nakamamatay na COVID-19 sa pagpapatuloy ng nakaatang na tungkulin.
Ayon sa BOC, hindi angkop na ilagay sa peligro ang kanilang mga kawaning dahilan sa likod ng matagumpay na pagpoproseso ng mga dumarating na medical supplies na ginagamit ng pamahalaan sa pagtugon kontra pandemya.
Sa tala ng BOC, nasa 16,102 shipments ng Personal Protective Equipment (PPE) at iba pang medical supplies ang naiproseso ng kanilang kawanihan mula Marso 2020 hanggang sa pagtatapos ng taong 2021. Dagdag pa rito ang 313 shipments ng bakuna kontra COVID-19 na umabot na sa 210 milyong doses na itinuturok sa mga mamamayan bilang kalasag laban sa nakamamatay na karamdaman.
Kasabay ng tuloy-tuloy na operasyon ng kawanihang nangangasiwa sa pagpasok sa bansa ng mga gamot at iba pang supplies na kailangan ng pamahalaan, tiniyak na rin ng BOC na ‘di na sila muli pang malalagasan.
Ang solusyon – ibayong proteksyon sa kanilang mga tauhan. Bahagi ng pagsisiguro ay ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum public health safety protocols, regular disinfection sa mga pasilidad at tanggapan ng kawanihan, libreng personal protective equipment at facemasks, alcohol, disinfectant sprays, antigen test kits, air purifiers, thermal scanners at iba pa.
Sa isang kalatas, sinabi rin ng ahensya na kamakailan lamang ay bumili na rin sila ng 5,400 kahon ng face masks, 1,000 galon ng alcohol, 500 piraso ng disinfectant sprays, 10 kahon ng antigen test kits, 20 piraso ng alcohol dispensers, 20 piraso ng air purifiers, at 20 karagdagang thermal scanners na tutukoy sa temperature ng sinumang papasok sa kanilang mga tanggapan.
Batay sa datos ng ahensya, bagama’t nasa 97% na ng kanilang mga empleyado ang bakunado, ibayong pag-iingat pa rin ang dapat lalo pa’t 10 ulit na mas nakakahawa ang Omicron variant, ayon mismo sa mga dalubhasa. (JO CALIM)

127