UMABOT na sa P1.5 trilyon ang kabuuang utang ng bansa hanggang nitong Mayo, ayon sa Bureau of Treasury (BTr).
Nitong Mayo, P289.81 bilyon ang kabuuang naidagdag sa utang ng pamahalaan, kaya umabot ito sa P1.5 trilyon, saad sa rekord ng BTr.
Higit na malaki ng P164.21 bilyon ang inutang ng administrasyong Duterte nitong Mayo kumpara sa P125.60 bilyon noong Mayo 2019, kaya umabot ito sa P289.81 bilyon.
Batay sa rekord ng BTr, ang P119.30 bilyon ng P289.81 bilyon ay inutang mula sa mga international financial institution, samantalang ang P75.51 bilyon ay mula sa treasury bills at P95 bilyon naman ang galing sa fixed-rate bonds.
Dahil sa patakaran ng administrasyong Duterte na umutang sa mga dayuhang pampinansiyang institusyon, sa mga bangko sa bansa at gumamit ng iba’t ibang pampinansiyang instrumento,
lumobo sa P1.5 trilyon ang kabuuang utang ng Pilipinas mula P1.04 trilyon noong Mayo, 2019.
Ayon sa BTr, katumbas sa 44.23 porsisyento ang itinaas na utang mula sa P1.04 trilyon.
Inaasahan pang patuloy na uutang ang administrasyon dahil kailangan ng pamahalaan ang napalaking halaga ng pera upang matustusan ang mga programa at proyekto nito hanggang bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hunyo 30,2022. NELSON S. BADILLA
