LUCENA CITY – Nasamsam ang tinatayang P1.8 milyong halaga ng ilegal na droga mula sa isang lalaking itinuturing na high value individual (HVI) sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad noong Miyerkoles sa Brgy. Ilayang Iyam sa lungsod.
Kinilala ang suspek na si alyas “Tortoise”, 35, residente ng Brgy. Mayao Crossing, Lucena City.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng PDEU-Quezon, sa pakikipag-ugnayan sa PDEA Calabarzon, dakong alas-6:15 ng umaga, sa Pleasantville Subdivision.
Nakumpiska mula sa suspek ang pitong plastic sachet na naglalaman ng 90 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang may street value na nasa P1,836,000.
Bukod sa ilegal na droga, nasamsam din ang mga paraphernalia at isang motorsiklong walang plaka.
Nakakulong na ang suspek sa custodial facility ng Lucena City Police Station at inihahanda na ang isasampang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(NILOU DEL CARMEN)
