P1-B imported sugar tumambad sa Bulacan INSPEKSYON SA MGA BODEGA, PINAIGTING

SA kabila pa ng mga pagtuligsa, walang planong bumitaw ang Bureau of Customs (BOC) sa isinasagawang inspeksyon ng mga bodegang pinaglalagakan ng asukal, pagtitiyak ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz.

Sa bisa ng Letters of Authority at Mission Orders na nilagdaan ni Ruiz, tinungo ng mga ahente mula sa Manila International Container Port (MICP), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at Enforcement and Security Service-Quick Response Team (ESS-QRT), ang siyam na bodega sa Meycauayan, Bulacan kung saan tumambad ang halos P1-bilyong halaga ng mga imported na asukal.

Kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Intelligence Service Armed Forces of the Philippines (ISAFP), Philippine National Police-Cri­minal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), at National Intelligence and Security Force (NISF), ininspeksyon ng mga kawani ng BOC – sa harap ng mga may-ari ng bodega, sugar trader at mga kinatawan ng mga negosyante – ang mga naturang bodega, kasabay ng pagrerebisa sa mga dokumentong kalakip ng mga inabutang imported sugar.

Unang bodega, lumalabas na 11,717 sako ang “locally manufactured sugar” habang 50,182 sako ng asukal naman ang mula sa bansang Thailand ang tumambad sa unang target sa kahabaan ng Kendex Drive, Polyland Industrial Subdivision.

Nasa 60,876 sako ng imported sugar naman ang inabutan sa bodega ng Edison Lee Marketing sa Dazo Compound.

Umabot naman sa 1,860 sako ng Mithr Phol Pure Refined Sugar mula Thailand ang natuklasan sa Olympia Street sa Sterling Industrial Park; habang 62,734 ng locally-produced sugar, kitchenwares at general merchandise ang tumambad sa bodega sa kahabaan ng Copper Street sa Muralla Industrial Park.

Paglilinaw ng BOC, wala pang direktiba para kumpiskahin ang mga inabutang asukal sa mga pinasok na bodega. Gayunpaman, nagbigay ng 15-araw ang kawanihan sa mga may-ari ng bodega ang mga imported sugar na magsumite ng mga kaukulang dokumentong patunay na ligal ang mga inabutang sako-sakong asukal.

Habang hinihintay ang pagsusumite ng mga dokumento, mananatili naman ang ilang piling operatiba mula sa iba’t ibang ahensya para bantayan ang mga pinasok na bodega.

“We have to be on our toes 24 hours, 7 days a week. You will see that our teams have been operating round the clock, even on weekends. This shows the determination of this admi­nistration in making accoun­table the groups that could be helping this sugar crisis blow out of proportion,” pahayag ni Commissioner Yogi Filemon Ruiz.
(JO CALIM)

171

Related posts

Leave a Comment