MULI na namang pinatunayan ng Bureau of Customs (BOC) ang bangis nito laban sa mga ismagler.
Sa pagkakataong ito, ang Intelligence Group Intellectual Property Rights Division (IGIPRD) ng BOC naman ang nakaharang sa mga pekeng produkto na ang kabuuang halaga ay umabot sa P1 bilyon.
Nakumpiska ng operatiba ng IG – IPRD ang mga produkto sa Magallanes, Makati City nitong Hunyo 14, sa pakikipagtulungan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ng Port of Manila District Office, o POM.
Isinagawa ang operasyon alinsunod sa Letter of Authority (LOA) na nilagdaan ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero.
Kasama rin sa operasyon ang operatiba ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Nakumpiska ng BOC ang iba’t ibang produktong mayroong tatak na mga Lacoste, Michael Kors, Macbeth, Adidas, Chanel, Givenchy, Oxygen, Guess, Coach, Gucci, Wrangler, Fubu, Zara, Reebok, Levi’s, Hilfiger, Jag, Tribal, Bench, Calvin Klein, at Esprit.
Nahaharap sa mga kasong kriminal ang kumpanya at Customs brokers ng nasabing mga produkto kapag napatunayang nilabag nila ang Seksiyon 118 (f) ng Republic Act 10863, o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), at Republic Act 8293, o ang Intellectual Property Code of the Philippines (IPCP).
Ang naganap na operasyon ay bahagi ng patuloy na paglaban at pagsugpo ng BOC laban sa ismagling sa bansa.
