ANTIPOLO CITY – HULI ang tatlong kilabot na tulak umano ng ilegal na droga makaraang makumpiskahan ng mahigit P1 milyong halaga ng shabu, bala at baril sa anti-drug operation sa Antipolo City.
Ayon sa ulat ni Rizal PNP Provincial Director P/Col. Dominic Baccay kay PRO4A-Regional Director P/BGen. Antonio Yarra, kinilala ang mga arestado na sina Roger Telan y Lopernes alyas Roger, David Angeles y Gonzales, at Andrew Malbas y Bico, kapwa residente ng Purok-4, Zone-8, Brgy. Cupang sa lungsod.
Dakong alas-2:15 ng hapon noong Hunyo, nagkasa ng anti-drug operation ang mga operatiba laban sa target na umano’y tulak na si alyas “Roger” na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek sa Purok-4, Zone-8, Brgy. Cupang.
Ayon kay Provincial Intelligence Unit (PIU) chief, P/Maj. Joel Custodio, nakumpiska sa mga suspek ang apat na pakete ng shabu na may bigat na 160 grams at nagkakahalaga ng P1,088,000, isang belt bag, buy-bust money, cash, isang 9mm rock island pistol, isang magazine at 4 na 9mm luger cartridge.
Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at illegal possession of firearms and ammunition ang mga suspek. (ENOCK ECHAGUE)
