P1-M ng medical supply store nakulimbat KAHA DE YERO TINANGAY NG AKYAT BAHAY

PATULOY ang pagtugis sa isang kasamahan ng isang 25-anyos na unang naaresto matapos looban ang isang medical supply store sa Tondo, Manila noong Setyembre 15.

Aabot sa isang milyong cash ang laman ng kaha de yero na tinangay ng dalawang suspek mula sa CB & AJ Medical Supply Trading sa panulukan ng Abad Santos Avenue at Tayuman St. sa Tondo.

Naaresto ang isa sa mga suspek na kinilalang si Rodrigo Aquino Jr., 25, ng Molave St., sa panulukan ng

Laguna Ext. sakop ng Brgy. 228, Zone 21 sa Tondo.

Isang alyas ” Jerick” na kasamahan ni Aquino ang patuloy na tinutugis ng mga tauhan ng Manila Police District-Theft and Robbery Section, sa pamumuno ni P/Major Joey De Ocampo.

Unang nagtungo himpilan ng pulisya ang negosyanteng si Ronald Peralta, 35, residente ng Jala-Jala St., Brgy. 30, Zone 3 sa Maypajo, Caloocan City, matapos nitong madiskubre na nawawala ang kanyang vault na naglalaman ng isang milyon.

Dahil dito, nagsagawa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya at nang i-review ang kuha sa CCTV sa lugar, nakita nila na bitbit ng dalawang lalaki ang kaha de yero.

Hanggang sa matunton ang kinaroroonan ni Aquino sa panulukan ng Delos Reyes St. at Batangas St., sa Tondo kaya agad itong inaresto.

Nang ipakita kay Aquino ang kuha ng CCTV, inamin nito ang krimen saka itinuga si alyas “Jerick” na sinasabing naroroon ang pera na nakuha mula sa vault. (RENE CRISOSTOMO)

212

Related posts

Leave a Comment