P1-M PABUYA SA MAKAPAGTUTURO SA PUMASLANG SA ABP PARTY-LIST NOMINEE AT MGA KASABWAT

NAG-ALOK ang Ang Bumbero ng Pilipinas (ABP) ng ₱1 milyong pabuya sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng mga pumatay kay Leninsky “Bogs” Bacud, ikatlong nominee ng ABP, na brutal na pinaslang noong Abril 28 sa may P. Guevarra St., Brgy. 435 Sampaloc, Maynila.

“Hindi ito basta pagpatay. Isa itong pag-atake sa isang taong buong-pusong naglingkod sa bayan. Hindi kami tatahimik hangga’t hindi nakakamit ang hustisya,” pahayag ng ABP.

Kinilala ang mga suspek na sina Arnold “Ford” Glean Umandap at Joshua Hernandez Andaleon. Noong Hulyo 30, naglabas ang Regional Trial Court, Branch 33 ng non-bailable warrant of arrest laban sa kanila. Nakaalerto na ang mga pulis na nagsasagawa ng manhunt operation at sa lahat ng operasyon ay kailangang may body cam na gagamitin.

Si Arnold Umandap ay may huling address sa 47 Ruiz Street, Eastern, NCR samantalang si Joshua Andaleon ay nakatira sa Pantihan I, Balayungan, Maragondon, Cavite.

Si Umandap ay pinuno ng isang grupong peke na iligal na gumagamit ng pangalan ng ABP. Si Andaleon naman ang sinasabing isa sa mga sakay ng motor na ginamit sa pananambang kay Bacud. Malakas ang hinalang may pulitikal na motibo sa likod ng isinagawang krimen.

“Nananawagan kami sa publiko—kung may alam kayo ay magsalita na para sa ikadadakip ng mga kriminal. Bawat impormasyon ay mahalaga,” dagdag ng ABP.

Makipag-ugnayan sa:
PNP Hotline: 117
CIDG: 0951-059-3843

Ang ₱1 milyong pabuya ay ibibigay sa sinumang makapagbibigay ng tamang impormasyon at ituturing na confidential. Makakaasa na sisiguraduhing ligtas ang sinuman na magbibigay ng tip o impormasyon.

“Ito ay laban para katotohanan, hustisya at para sa layunin ng aming kilusan. Hindi kami uurong. Hindi kami titigil. Hahabulin namin ang mga salarin hanggang sa makamit ang hustisya,” buwelta ng ABP.

157

Related posts

Leave a Comment