REP. ZALDY CO ‘PINAKAKANTA’ SA AMENDMENTS SA 2025 BUDGET

HINAMON ng isang kongresista ang liderato ni House Speaker Martin Romualdez na obligahin si Congressman Zaldy Co na isapubliko ang amendments na ginawa ng kanyang grupo sa 2025 national budget.

“Otherwise we just covering up each other. If the leadership of the House will not demand it from Congressman Zaldy Co, that means we’re just trying to cover-up,” ayon Navotas Rep. Toby Tiangco na nagsabing wala siyang planong tantanan ang “small committee” na pinaghihinalaan nitong nagsingit ng pondo sa 2025 national budget na itinuturing ng ilan na ‘most corrupt budget”.

“Hindi ko talaga pakakawalan ang 2025 small committee. Hindi ko pakakawalan yan. We need to be accountable, pera ng taumbayan. Hindi puwedeng ‘uy kalimutan na natin yan!,” pahayag ni Tiangco sa isang panayam.

Ayon sa mambabatas, ang small committee na binuo ng liderato ng Kamara para ilagay ang mga individual amendment ng mga miyembro ay binubuo ng chairman at senior vice-chairman ng Appropriations committee, Majority Leader at Minority Leader.

Noong nakaraang Kongreso, si AKo Bicol party-list Rep. Zaldy Co at dating Marikina Rep. Stella Quimbo ang chairman at senior vice chairman ng nasabing komite habang si dating Zamboanga City Rep. Manix Dalipe ang majority leader at 4Ps party-list Rep. Marcelino Libanan ang Minority leader.

Sa mga nabanggit, miyembro pa ng 20th Congress sina Co at Libanan habang sina Quimbo at Dalipe ay natapos ang termino sa Kongreso dahil kapwa natalo sa kanilang tinakbuhang local position noong nakaraang eleksyon.

“Congressman Zaldy Co should show (ang ginawa nila sa small committee). Kasi siya ang chairman noon eh. Alangan naman na hindi niya alam. Kung hindi niya alam sino ang gumawa noon,” paliwanag ni Tiangco.

“So ipakita niya, eto binawasan ko, dinala ko dito, eto binawasan ko, dinala ko dito,” ayon pa kay Tiangco.

Sa 2026 national budget ay bubuwagin na umano ang small committee at papalitan ng subcommittee na magrerebyu sa mga amendment sa budget ng isang ahensya ng gobyerno subalit iginiit ng mambabatas na kailangan munang isapubliko ang ginawang amendments ng grupo ni Co sa 2025 national budget.

(BERNARD TAGUINOD)

252

Related posts

Leave a Comment