NAGPAABOT ng tulong pinansyal ang gobyerno ng China sa Pilipinas para sa mga kababayan nating sinalanta ng Bagyong Agaton.
Ayon kay Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian, napagdesisyunan ng Chinese government na magbigay ng $200,000 o may katumbas na P10.2 million sa bansa upang suportahan ang disaster relief efforts ng pamahalaan para sa mga kababayan nating lubhang nasalanta ng kalamidad.
“Our hearts go out to all the Filipino families who were devastated by tropical storm Agaton,” ani Chinese President Xi Jinping.
Ito aniya ang paraan nina Chinese President Xi Jinping at State
Councilor and Foreign Minister Wang Yi upang magpahayag ng pakikiramay at pakikiisa kina Pangulong Rodrigo Duterte at Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.
Namamahagi na ngayon ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), local government units (LGUs), non-government organizations (NGOs), at ng iba pang ahensya ng pamahalaan ng family food packs, pagkain, hygiene kits, at iba pa bilang tulong sa mga lugar na tinamaan ng bagyong Agaton, na may katumbas na P50.402 million.
Magugunitang nasa 10,402 kabahayan ang sinira ng bagyong Agaton na tinatayang may katumbas na P709,500 batay sa situational report ng NDRRMC.
Samantala, bilang bahagi ng kanilang overall response sa Typhoon Odette, nagkaloob namang ng karagdagang P17.5 million ($350,000) ang United States government, sa pamamagitan ng U.S. Agency for International Development (USAID) para suportahan ang ecosystem and community recovery. Bunsod ng nasabing pondo, umabot na ngayon sa P1.1 billion ($21.54 million) ang U.S. government aid para sa Typhoon Odette relief and recovery efforts. (JESSE KABEL)
233
