ISANG panibagong record-breaking collection ang inaasahan ng Bureau of Customs (BOC) sa pagtatapos ng taon, ayon sa tagapagsalita ng nasabing ahensya, kasunod ng pagtatala ng labis pa sa itinakdang P721.52 billion 2022 revenue target.
Base sa pagtataya ng ahensya, posibleng pumalo ng higit pa sa P100 billion ang maitatalang collection surplus ng kawanihan.
Sa datos ng BOC Financial Service Office, umabot na sa P745.5 billion ang kabuuang halaga ng pondong nakalap ng BOC mula Enero hanggang Nobyembre 11 ng kasalukuyang taon – labis pa ng halos P24 billion kumpara sa revenue collection sa mga nakalipas na taon.
“What we have been collecting the day beyond November 11 until now is the Bureau’s surplus collection performance,” ani Dela Torre sa isang panayam.
“This is a good message for our countrymen that we will not stop. Even though the target for November and December has been reached, we will still aim to surpass the assigned revenue collection target,” dagdag pa niya.
Una nang sinabi ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz na maglalaro sa pagitan ng P930B hanggang P968B ang kabuuang koleksyon ng BOC sa pagtatapos ng 2022 – bagay na aniya’y hindi mangyayari kung hindi sa pakikipagtulungan ng mga opisyal at kawani ng pinamumunuang ahensya.
Ayon naman kay Dela Torre, malaking bentahe rin ang sigasig na ipinamalas ng 17 district collectors at pakikiisa ng mga pribadong kumpanyang pasok sa larangan ng kalakalan.
