DPA Ni BERNARD TAGUINOD
DAPAT pangunahan ng mga opisyales ng Department of Trade and Industry (DTI), lalo na si Undersecretary for Consumer Protection Group (CPG) Ruth Castelo, ang P1,000 challenge para sa Noche Buena.
Ilan ba ang kasama ni USec. Castelo sa kanilang bahay at kung apat hanggang lima lang, subukan kaya niyang mag-budget ng P1,000 para sa kanilang Noche Buena ngayong darating na Pasko.
May live streaming naman para mapanood ng sambayanang Filipino kung anong magic ang gagawin ni Usec. Castelo para pagkasyahin ang P1,000 at baka sakaling gayahin ng mga tao para sa kanilang Noche Buena sa December 25.
May kasabihan nga tayo na ang daling magpayo pero mismong ang nagpapayo ay hindi ginagawa ang kanilang ipinapayo kaya posibleng hindi gawin ni Usec ang kanyang sariling payo.
Imposible ang payo ni Usec. Castelo dahil ginto ang bilihin ngayon at kahit ‘yung mga troll na nagsasabi na huwag kasi sa grocery kayo mamili at huwag magpanggap na sosyal para makatipid kayo, mukhang imposible pa ring pagkasyahin ang P1,000 sa Noche Buena.
Saka ang sinasabi ni Usec na kasya ang P1,000, ay sa spaghetti lang at hindi lang naman ‘yun ang pagsasaluhan ng mga pamilya sa Noche Buena. Hindi pa rin nawawala ‘yung ulam at kanin sa hapag-kainan.
Wala yatang pamilya na kakain lang ng spaghetti sa Noche Buena dahil siguradong may maghahanap ng ulam at kanin kaya dapat isama ‘yun sa gastusin sa pagdiriwang ng Pasko.
Sa bahay ba ng mga opisyales ng gobyerno ay spaghetti lang ang handa nila? Imposible! Karaniwan sa bahay ng mga taong gobyerno ay sagana ang pagkain pagdating ng Pasko.
Hindi ka naman makaluluto ng ulam kung walang sahog at sa baboy na lang, P300 na ang kada kilo. Kung isama mo pa ang mga sahog, baka ang P500 mo ay hindi na kasya.
Sige, sabihin natin na kailangan talaga magtipid at kalahating kilo lang ang bilhin mong karne para P150 na lang at pilitin mong badyetan ng P100 ang mga sahog para P250 ang ulam n’yo. Bibili ka pa ng bigas para may kanin kayo, magkano na lang ang matitira sa P1,000 mo?
‘Yung natitira, kasya ba sa Noche Buena?. Kahit hindi branded ang bibilhin mo ay sasakit ang ulo mo, paano mo pagkakasyahin ang P1,000 para sa pagkain na pagsasalu-saluhan ng isang maliit na pamilya.
Ang masaklap pa niyan, bihira ang pamilya na may apat hanggang limang miyembro lang, ha. Mas malalaki ang pamilya ng mahihirap na pinagtititipid ng DTI kumpara sa mga mas nakaaalwan sa buhay.
Kultura rin ng pamilyang Pinoy na kahit mahirap ay nag-iimbita ng kapitbahay sa Noche Buena at nagpapalitan ang mga magkakapitbahay kung anong meron sila, kaya papaano magkakasya ang P1,000.
Kaya para maturuan ang mga tao lalo na ‘yung mahihirap na pinagtitipid ngayong Pasko, eh, ituro ni Usec. Castelo kung anong magic ang puwede nilang gawin.
![](https://saksingayon.com/wp-content/plugins/dp-post-views/images/eyes.png)