P100K PATONG SA ULO NG KILLER NG SIKLISTA

CAVITE – Naglaan ng P100,000 pabuya ang tanggapan ni Kawit Mayor Angelo G. Aguinaldo sa sino mang makapagtuturo sa pulisya sa suspek sa pagpaslang sa isang 20-anyos na siklistang natagpuang patay sa nasabing bayan noong Linggo ng gabi.

Sa Facebook account ni Mayor Aguinaldo, ipinag-utos nito ang paglalaan ng P100,00 na pabuya sa sino mang makapagtuturo sa pumatay sa biktimang si Kenneth Ponce.

“Ipinag-utos ko po ang paghahain ng P100,000 na pabuya sa sino mang makapagtuturo sa pulisya sa suspek sa pagkamatay ng isang batang siklistang natagpuan sa ating bayan ng Kawit. Puspusan din po ang ating gagawing pakikipag-ugnayan sa pulisya para dito,” ayon kay Aguinaldo.

Idinagdag pa nito na kailangang mapanagot ang sino mang gumawa krimen upang mapanatili ang kapayapaan sa kanilang bayan.

Matatandaan, alas-10:00 ng gabi nang matagpuang nakahandusay ang biktima sa kahabaan ng Abaya Road, Barangay Tabon sa Kawit.

Unang ipinalagay ng pulisya na biktima ito ng hit and run ngunit nang lumabas ang awtopsiya ay nabatid na may tama ito ng bala ng baril.

Habang nawawala naman ang mountain bike nito na nagkakahalaga ng halos P50,000.

Umapela ang magulang nito kay Philippine National Police (PNP) chief, Police General Guillermo Eleazar na ipinag-utos ang malalimang imbestigasyon sa insidente. (SIGFRED ADSUARA)

374

Related posts

Leave a Comment