NAG-ALOK si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ng pabuya mula P50,000 hanggang P100,000 para sa makapagbibigay ng impormasyon ukol sa opisyal ng pamahalaan na sangkot sa katiwalian.
Sa public address ng pangulo, Martes ng gabi ay sinabi nito na ang sinomang indibiduwal na makapagbibigay ng impormasyon hinggil sa maliit na kontrata ay makatatanggap ng P50,000 habang ang makapagbibigay naman ng impormasyon ukol sa malaking kontrata ay makatatanggap ng P100,000.
“‘Huwag ka magbigay ng pangalan, sabihin mo lang ‘yung kontrata, dito ganito, ganito, sino sa gobyerno… ‘pag malaking mga contract wag mo lang sabihin pangalan mo,” ayon kay Pangulong Duterte.
“Ibulong mo lang na niluluto ‘yan, I will give you P100,000 and I will keep your identity secret until I reach my grave. Hindi ko kayo… papasubo,” dagdag na pahayag nito.
Tiniyak din ng chief executive na “makikipagkasundo siya sa demonyo” kapag nalaman niya na ang informant ay hina-harass.
“At kung nalaman kayo tapos hinaharas kayo, paalamin mo ako. I will deal with the devil. ‘Yan ang gusto ko. Bumaril ng tao na legal. Kaya kung inaano ka, tinatakot ka, paalam mo ako,” ayon sa pangulo. (CHRISTIAN DALE)
159 