NASAKOTE ng pinagsanib na pwersa ng mga operatiba ang dalawang hinihinalang tulak habang P108 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska noong Lunes ng gabi sa Makati City.
Ikinasa ang drug buy-bust operation ng magkasanib na pwersa ng RSDOU, na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Melvin Montante, at ng Makati City Police, pinamumunuan ni P/Col. Harold P. Depositar sa Brgy. West Rembo, Makati City bandang alas-9:30 ng gabi noong Lunes.
Naaresto ang mga suspek na sina Kemin Manisi alyas “Taba” at Abdulrahim Ysmael alyas “Indeg” matapos tanggapin ang P1,000,000 marked money mula sa operative poseur buyer.
Samantala, sa Muntinlupa City ay naaresto naman ang dalawang babaeng magkapamilya at tatlo nilang kasamahan matapos makumpiskahan ng dalawang kilo ng umano’y shabu sa buy-bust operation ng magkasanib na pwersa ng PDEA RO-NCR EDO, SPD at pulisya ng lungsod sa isang fastfood restaurant sa Muntinlupa Highway, Brgy. Tunasan, Lunes ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina Liezel Julhasan, alyas “Manay,” 40, Donnalyn Julhasan, 20; Denver Porlahe alyas “Kuya Dong,” at Rovelyn Enot, 40-anyos.
Ayon sa impormasyon mula sa PDEA RO-NCR EDO, SPD at SDEU Muntinlupa City na pinamumunuan ni P/Maj. Peter C. Aquino, ang mga suspek ay may operasyon ng pagtutulak ng ilegal droga sa Laguna at kalapit na mga siyudad sa Metro Manila. (DAVE MEDINA)
