DUDA ang isang kongresista na maibigay ng mga local government unit (LGUs) ang P10,000 Service Recognition Incentives (SRI) ng lahat ng mga empleyado ng gobyerno, lalo na sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette.
Ayon kay Bayan Muna Party-list Rep. Ferdinand Gaite, maipatutupad lamang ang Administrative Order (AO) No. 45 kung bigyan ng national government ng karagdagang pondo ang LGUs na sinalanta ng bagyo.
Base sa AO 45, inaatasan ang lahat ng mga ahensya ng gobyerno kasama na ang local executives na bigyan ng P10,000 ang bawat empleyado ng mga ito bilang pagkilala sa kanilang serbisyo.
“Dapat laanan at bigyan ng karagdagang pondo ng national government ang mga ahensya at mga LGU na ito upang maibigay sa mga kawani nito ang P10,000 SRI,” ani Gaite.
Hangga’t hindi ito gagawin ng national government ay hindi maipatutupad ng LGUs na naapektuhan ng bagyong Odette dahil tiyak na ubos ang kanilang savings kung saan huhugutin ang nasabing insentibo ng kanilang mga empleyado.
Kasabay nito, humirit din ang mambabatas sa gobyerno na paglaanan din ng pondo ang gratuity pay ng Job Order at Contract of Service employees.
Sa kasalukuyan, nasa 582,378 o 25% sa mga kawani sa pamahalaan ay mga JO/COS at walang natatanggap na ano mang bonus o incentives sa kabila ng kanilang maraming taon o dekadang pagseserbisyo.
“Kaya nararapat lang din naman na maibigay sa mga ito ang kanilang hiling na P10,000 gratuity pay,” ayon sa mambabatas.
Tulad ng regular employees, bugbog din umano sa trabaho ang mga JO at COS employees kaya nararapat lamang umanong bigyan ang mga ito ng gratuity pay bilang pagkilala sa kanilang serbisyo. (BERNARD TAGUINOD)
254
