ILANG ulit na ipinagyabang ni Speaker Alan Peter Cayetano ang napakagandang pagdarausan ng Southeast Asian Games o SEA Games, partikular na sa Clark City ngayong araw.
Sa pamamagitan ng Bases Conversion Development Authority (BCDA), gumastos ang pamahalaan ng P11 bilyon sa pagpapagawa at pagpapaayos ng mga pagdarausan ng mga laro sa SEA Games.
At ang tumataginting na P11 bilyon ay inutang ng BCDA sa Malaysian Bank.
Ang BCDA ay pag-aari at kontrolado ng pamahalaan.
Hindi raw isyu ang pag-utang ng pamahalaan ng P11 bilyon, diin ni Cayetano, ang pinuno ng organizing committee, dahil pasado sa international standard ang mga ipinagawa ng BCDA, kabilang na ang P45 milyong cauldron.
Pagkatapos ng SEA Games, syempre babayaran nang padahan-dahan ang P11 bilyon sa Malaysian Bank.
Sabi pa ni Cayetano, dapat nga ay magtayo sa bawat rehiyon ng kaparehong sports facilities.
Tapos, mangungutang ang administrasyong Duterte ng bilyun-bilyon sa mga dayuhang bangko para makapagtayo ng sports facilities na international standard?
Hindi ko maintindihan ang ideyang pinayagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ituloy ang SEA Games, samantalang wala palang pera ang pamahalaan para rito.
Pangungutang pala ang ginawa ng BCDA upang maitayo sa Clark City ang pangunahing pagdarausan ng SEA Games.
Pero, P3 bilyon lang ang ilalaan ng Department of Agriculture (DA) sa 600,000 magsasaka upang mabigyan ang bawat isa sa kanila ng P5,000 kada isa bilang tulong-pinansiyal bago matapos ang 2019.
Ang 600,000 magsasaka ay ang pinakakawawa sa milyun-milyong magsasakang apektado ng Rice Tariffication Law dahil nasa dalawang ektarya pababa lamang ang sukat ng lupang kanilang sinasaka.
Alam kong tuloy na tuloy ang SEA Games, ang punto ko lamang ay ipinapakita at pinatutunayan ng pamahalaan sa mamamayang Filipino kung ano ang mahalaga sa kanya: Ang mga magsasaka o ang prestihiyong dala ng palarong inutang pa ang P11 bilyong ipinangtustos.
oOo
Tumawag o magtext lang po kayo sa 09985650271 (Badilla Ngayon / NELSON S. BADILLA)
120