PUNTO DE BISTA ni BAMBI PURISIMA
ISANG malaking dagok sa sindikato ng ilegal na droga ang muling naitala nang masabat ng Bureau of Customs (BoC)βNinoy Aquino International Airport (NAIA) ang tinatayang P112 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa NAIA Terminal 1 noong Pebrero 28, 2026.
Isang Malaysian national ang naaresto nang ma-flag para sa masusing inspeksyon ang kanyang bagahe. Sa loob nito, natuklasan ang 16.526 kilo ng puting kristal na hinihinalang methamphetamine hydrochloride o mas kilala bilang shabu. Tinatayang nasa P112,376,800 ang standard drug price ng nasabing kontrabando.
Isinagawa ang matagumpay na operasyon ng BOC sa pamamagitan ng Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF) katuwang ang NAIAβInter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIAβIADITG).
Sa ilalim ng pamumuno ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, patuloy na pinatitibay ng ahensya ang kampanya kontra droga alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., muli niyang pinatunayan na hindi palulusutin ang anomang pagtatangka na gawing lagusan ng ilegal na droga ang mga paliparan at pantalan ng bansa.
Kapuri-puri rin ang matatag na liderato ni District Collector Atty. Yasmin Obillos-Mapa, na walang sawang nagpapatupad ng masusing pagbabantay sa NAIA. Sa ilalim ng kanyang pamamahala, mas naging mahigpit at sistematiko ang pagbabantay sa dumarating na mga pasahero at kargamento.
Hindi ito simpleng pagkakasabat lamang. Isa itong malinaw na mensahe: buhay at kaligtasan ng mamamayan ang pangunahing isinusulong ng pamahalaan laban sa banta ng ilegal na droga.
Kasalukuyang nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 4, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa huli, patunay na ang tagumpay na ito kapag may malinaw na direksyon, matatag na pamumuno, at maayos na koordinasyon, walang puwang ang droga sa ating mga tarangkahan.
***
Merong mga politiko na ngayon pa lang ay kinukondisyon na ang isipan ng kani-kanilang contituents na sila ang dapat manalo sa susunod na halalan, at ngayon pa lamang, nakakasa na ang gagawin nila kung sila ay matalo β sa sinasabi nilang “pandaraya” na gagawin sa kanila?
Isinasaksak na sa isip ng kanilang mga kababayan at tagasunod na ngayon pa lamang, ‘pag natalo sila, kaguluhan at pananakot ang dapat na itugon, wow ha?
Napakahirap na magkaroon ng mga lider na hindi pa man nagkakaroon ng tunay na halalan ay inaaangkin na ang panalo at ipinalalagay na ang taumbayan ay isang bungkos na uto-uto at parang robot na kaya nilang pasunurin sa anomang nais nilang ipagawa, susmaryosep!
***
Ayaw natin ng gulo, at ang nais ng bansa ay kapayapaan at pagsulong sa kabuhayan at mapabilis ang ating kaunlaran.
Nais natin ay mga lider na ang layunin ay isaayos ang pamahalaan at maituwid ang mga kamalian, at sugpuin ang katiwalian at tapusin ang kahirapan.
Ayaw ng bayan ng mga lider na magsusulong ng mga kaguluhan at nais nila, isang bagong rebolusyon ng pagbabago sa kalagayan ng mahihirap na makatakas sa kahirapan at magkaroon ng malusog na katawan, matatag na hanapbuhay, magkapagtamo ng kalidad na edukasyon at makapagtamo ng maraming serbisyong bayan
***
Nitong Lunes, March 2 ay ipinag-utos ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na idaos ang lahat ng graduation rites ng mga pampublikong elementarya at sekondaryang paaralan sa loob mismo ng kani-kanilang campus habang hinaharap ng lungsod ang nakaambang pagtaas ng presyo dulot ng krisis sa langis.
Sa kanyang regular na pulong ng management committee, inatasan ng alkalde ang Schools Division Office (SDO) of Manila sa pangunguna ni Superintendent Dr. Sheryll Gayola, na tiyaking sa loob lamang ng mga paaralan gaganapin ang mga seremonya upang maiwasan ang dagdag gastusin ng mga magulang, lalo na kung sa ibang lugar pa ito idaraos na mangangailangan ng karagdagang bayarin.
Ayon sa alkalde, bahagi ito ng paghahanda ng Maynila sa posibleng pandaigdigang oil shock bunsod ng tumitinding tensyon sa Gitnang Silangan at sa napaulat na pagharang sa Strait of Hormuz, isang mahalagang daanan ng humigit-kumulang 20 porsiyento ng suplay ng langis sa buong mundo.
“Dalawampung porsiyento ng ating langis sa buong mundo, kasama na ang Pilipinas, may problema sa pinanggagalingang suplay,” babala ng alkalde, na maaaring magdulot ito ng pagtaas sa presyo ng gasolina, pamasahe at mga pangunahing bilihin.
“Kaya tataas ang presyo ng mga bilihin, gastusin, pamasahe, and so on and so forth, most likely,” wika ni Isko.
Hinimok ni Domagoso ang mga pampublikong paaralan na panatilihing simple at matipid ang mga aktibidad sa graduation, dahil kahit maliit na pagtaas sa presyo ay may malaking epekto sa badyet ng mga pamilya.
Nakasaad ang direktiba sa Executive Order No. 7, Series of 2026, na nag-uutos ng 50 porsiyentong pagbawas sa konsumo ng gasolina sa lahat ng departamento, kawanihan at tanggapan ng pamahalaang lungsod.
Sa ilalim ng kautusan, ipinagbabawal ang mga hindi mahalagang biyahe, suspendido ang mga “lakbay-aral,” at inaatasan ang mga opisina na magpatupad ng mga hakbang sa pagtitipid ng kuryente, kabilang ang pagbabawas ng ilaw at pagsasagawa ng online meetings kung maaari.
Binigyang-diin ng alkalde na dapat makiisa ang lungsod sa pambansang hakbang sa pagtitipid ng mga yaman. Aniya, mahalaga man ang graduation para sa mga mag-aaral, dapat manaig ang pagiging maingat at praktikal sa panahon ng pandaigdigang kawalang-katiyakan.
“Ayaw kong pangunahan ang sitwasyon, pero para sa layuning makiisa tayo sa direksyon ng pambansang pamahalaan, hangga’t maaari, mabawasan natin ang mga hindi kinakailangang gastos,” pahayag pa ni Domagoso.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon, sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.
168 