MAHIGIT sa P142 milyong halaga ng mapanganib na droga ang winasak ng Philippine Drug Enforcement Agency – Regional Office 10 sa Cagayan de Oro, ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni Usec. Isagani Nerez, PDEA Director General.
Pinangunahan ng PDEA RO-10 ang pagsira sa P142,109,254.33 halaga ng mapanganib na droga, paraphernalia, at mga expired na gamot noong Miyerkoles sa Cosmopolitan Funeral Homes, Inc., sa Lungsod ng Cagayan de Oro.
Ayon sa report, ito ang pinakamalaking kabuuang halaga ng ipinagbabawal na illegal substance na nawasak sa kasaysayan ng PDEA RO-10, na nagpapakita ng matatag na paninindigan ng rehiyon para sa isang drug-free Northern Mindanao.
Dumalo sa seremonya ang mga pangunahing lider mula sa pamahalaan, law enforcement, hudikatura, at civil society, bilang patunay ng sama-samang paninindigan sa laban kontra droga.
Kabilang sa mga dumalo ang Panauhing Pandangal at Tagapagsalita: Gobernador Xavier Jesus “XJ” Romualdo ng Camiguin, at RPOC Chairperson para sa Rehiyon 10 (CY 2025-2028), na kinatawan ni Hon. Ynigo Jesus D. Romualdo, Punong Bayan ng Mambajao, Camiguin; PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez – ang kauna-unahang PDEA chief na dumalo sa drug destruction ng Region 10; PBGen. Christopher N. Abrahano, Regional Director ng Police Regional Office 10; Hon. Judge Mary Sheila B. Pestolante ng RTC Branch 24, Cagayan de Oro City, kasama ang mga katuwang sa hudikatura na naglabas ng Orders of Destruction.
Dumalo rin sina General Rolando F. Miranda (PDEA Head Executive Assistant), Regional Director Alex Tablate ng PDEA RO10, Director Angela D. Salvador (Laboratory Service), Prosecutor Hosni L. Guiling (DOJ, OCP Cagayan de Oro), Konsehal ng Lungsod Roger Abaday, VW Hairel D. Peligro (CSO, Mount Kitanglad Masonic Lodge No. 456), Atty. Eleazar Boycillo, Prosecutor Julieta Buhay-Piloton, Atty. Kit Laurel C. Llego (Public Attorney’s Office), PCOL Dexter P. Gaje (City Director ng Cagayan de Oro), PLTCOL Rey Gaudencio Taboclaon (Deputy City Director for Operations), at PCOL April C. Madroño (Regional Chief, RFU 10).
Kabilang sa mga sinirang droga ang 20,849.6866 gramo ng methamphetamine hydrochloride (shabu), nagkakahalaga ng P141,777,868.88; 2,479.9119 gramo ng marijuana fruiting tops, nagkakahalaga ng P297,589.43; 281.6335 gramo ng marijuana dried leaves, nagkakahalaga ng P281,633.50; mga expired na gamot mula sa mga botika, nagkakahalaga ng P61,289.19.
Sa kabuuang timbang na 23,611.2320 gramo, ang mga mapanganib na drogang ito ay tuluyang inalis sa sirkulasyon, upang maiwasan ang maling paggamit, trafficking, o diversion. Nalampasan ng kaganapang ito ang mga naunang rekord ng drug destruction noong Mayo 10, 2021 at Nobyembre 22, 2019 kung saan ang kabuuang halaga ng sinirang ilegal na droga ay P61,493,563.76 at P59,360,631.62, ayon sa pagkakasunod.
“Hindi lamang ito isang seremonya—ito ay patunay ng transparency, hustisya, at pananagutan. Ang laban kontra droga ay nangangailangan ng sama-samang pagkilos mula sa law enforcement, mga piskal, hudikatura, at komunidad. Sama-sama nating itinataguyod ang tiwala ng publiko at mas ligtas na Northern Mindanao,” ani RD Tablate.
(JESSE RUIZ)
55 