LAGPAS na sa P15 billion ang ginagastos ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa COVID-19 dahil maging ang remdesivir ay ginagastusan nila nang malaki.
Ito ang isiniwalat ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House committee on good government and public accountability sa kabagalan ng Food and Drug Administration (FDA) kaugnay ng pagpabor ng mga ito sa remdesivir subalit pagdating sa murang gamot tulad ng ivermectin ay ang bagal ng desisyon ng mga ito.
“Mr. Chair as of now, for the record…P15 Billion na po…the last time na nagkaroon tayo ng check, ang nagastos na sa Covid. I would assume we are more than P15 Billion already for Covid and I would assume that a bulk of that is remdesivir,” ani Defensor.
Isiniwalat din ni Defensor na pinatatabi ang mga COVID-19 patient na ayaw maturukan ng remdesivir kaya marami sa mga ito ang napipilitang magpaturok ng nasabing gamot.
Inatasan ni Defensor ang DOH na imbestigahan ito lalo na’t sinabi ni Dra. Nerissa Alejandria ng UP-NIH PSMD na hindi lahat ng COVID-19 patient ay dapat bigyan ng remdesivir.
Namumuro sa contempt
Kaugnay nito, namumuro namang ma-contempt si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque dahil sa patuloy na hindi pagdalo sa pagdinig ng komite kaugnay ng nasabing usapin.
Ayaw man umanong isipin ni Defensor na ini-snub ni Duque ang Congressional inquiry sa paghahanap ng solusyon sa COVID-19 pandemic ay mistulang ganito aniya ang nangyayari kaya inirekomenda nito na sulatan ang kalihim na kapag hindi ito dumalo sa susunod na pagdinig ay iko-contempt na ito.
Pagbawi sa lisensya pinigil
Samantala, kinatigan ng komite ang mosyon na ipatigil ang imbestigasyon at pagbawi sa lisensya ng mga doctor na nagreseta ng ivermentin sa community pan-three ni Defensor at SAGIP Rep. Rodante Marcoleta sa Matandang Balara noong Abril.
Unang nagmosyon si Defensor na sulatan ang Professional Regulation Commission (PRC), Department of Health (DOH) at Office of the President (OP) kaugnay ng imbestigasyon laban kina Dr. Allan Landrito, Iggy Agbayani, Noel Castillo at Sham Quinto. (BERNARD TAGUINOD)
213 