P16 – M halaga ng mga sasakyan, naharang CAR SMUGGLING BINIGO NG BOC – MICP

Ni JOEL O. AMONGO

HINDI naganap ang pagtangkang car smuggling ng isang kumpanya makaraang biguin ng Bureau of Customs – Manila Manila International Container Port (MICP) ang iligal na pagpasok ng mga magagarang sasakyan sa bansa noong Hunyo 9.

Naganap ang mahusay na operasyon ng BOC – MICP nang harangin ng operatiba ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) laban sa kumpanyang nagtangkang ipuslit ang mga mamahalin at magagarang sasakyan noong Miyerkules.

Ang mga nakumpiska ng opisyal at kawani ng MICP – CIIS ay mga bagong Land Cruiser, 2016 Nissan GTR at 2020 Chevrolet Camaro ZL1 na ang kabuuang halaga ay P16 milyon.

Batay sa ulat ng BOC, ang consignee ng mga nasabing sasakyan ay ang ADFINEST Marketing Corporation.

Napatigil ng BOC – MICP ang car smuggling makaraang magpalabas si MICP District Collector Romeo Allan R. Rosales ng Pre-Lodgement Control Order (PLCO) laban sa shipment ng ADFINEST Marke­ting Corporation.

Sa isinagawang 100% examination sa container, tumambad sa operatiba ng CIIS ang tatlong mga sasakyan.

Testigo ang mga tauhan ng Enforcement and Security Service (ESS) at Formal Entry Division (FED) sa naganap na pagsisiyasat.

Nag-isyu na ng “Warrant of Seizure and Detention” (WSD) upang ‘di makuha ng ADFINEST ang mga sasakyan.

Nagsagawa na ng mas malalim na imbestigasyon ang MICP upang mapalakas ang kasong isasampa laban sa ADFINEST Marketing Corporation kaugnay sa posibleng paglabag sa Seksiyon 1400 na may kaugnayan sa Seksiyon 1113 ng Republic Act (R.A.) 10863, o kilala rin bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Idadagdag din ang kasong pumapatungkol sa kawalan ng Authority to Import mula sa Department of Trade and Industry (DTI).

Ang pagkakakumpiska ng P16 milyong halaga ng mga sasakyan ay parte ng serye ng operasyong “COPLAN TSEKOT” ng MICP na ang layunin ay masawata ang ilegal na importasyon ng mga sasakyan sa bansa.

Ang paglaban at pagsugpo sa car smuggling ay isa sa mga direktiba ni BOC Commissioner Rey Leo­nardo B. Guerrero na tapat at tuluy – tuloy na ginagampan ng MICP, sa pamumuno ni Rosales.

226

Related posts

Leave a Comment