P170-M BAWAS SA RITM LAB SERVICES PINALAGAN

PINALAGAN ni Senador Nancy Binay ang plano ng Department of Budget and Management (DBM) na itaas sa P28 bilyon ang pondo sa anti-insurgency task force pero babawasan ng P170 milyon ang gastusin ng laboratory services ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Sa pahayag, sinabi ni Binay na pangunahin ang laboratory services ng RITM sa pagsusuri ng infectious disease research at pasilidad kabilang ang iba’t ibang variant ng nakahahawang corona virus.

Ayon kay Binay, sa gitna ng lumalalang pagkalat ng COVID variant, binawasan ng DBM ang pondo ng RITM ng P170 milyon – mula sa P393 milyon noong 2021 bumaba ito sa P223 milyon sa 2022.

Sa kabilang dako, hiniling ng Palasyo ang karagdagang P11.66 bilyon mula sa dating P16.4 bilyon badyet ng NTF-ELCAC na natanggap nitong 2021.

Sinabi ni Binay na dapat bigyan ng pinakamataas na prayoridad ang RITM, palawakin at dagdagan ang badyet nito dahil malaki ang papel ng ahensiya sa Department of Health (DOH) upang maiwasan ang pagkalat ng nakahahawa at communicable diseases.

“At a time when we need a reliable and stable lead center in our fight against the pandemic, DBM chooses to cut back RITM’s budget. Year-in year-out, binabawasan lagi. ‘Di ba ang dapat gawin ay ang palakasin pa lalo ang mga public health service institutions, hindi pahinain,” giit ng senadora.

Aniya, makikita ang misplaced priorities ng Malacanang sa gitna ng pandemya sa pagkakaiba ng pondo at kung paano pamahalaan ang giyera laban sa COVID at giyera laban sa insurhensiya.

“As RITM is already struggling in building their manpower and lab resources, babawasan pa ang budget nila. Yung masaklap is that NTF-ELCAC’s budget is inflated to billions, while depriving RITM–a legitimate government institution–of funds necessary to provide critical laboratory services in time of a pandemic. It doesn’t make any sense at all,” giit ng mambabatas. (ESTONG REYES)

156

Related posts

Leave a Comment