BINISITA ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar ang lalawigan ng Bulacan kasama sì Governor Daniel Fernando upang alamin ang lawak ng napinsalang mga pananim dulot ng mga bagyong dumaan at nagkaloob ng seeds and fertilizers na nagkakahalaga ng P175.9-million para sa magsasakang Bulakenyo nitong Biyernes sa bayan ng Pulilan.
Matapos ang inspeksyon, ang kalihim at gobernador ay dumiretso sa Command Center ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) upang makita ang iba pang agricultural lands na naapektuhan ng bagyo.
Sinundan ito ng dayalogo kasama ang mga farmer leader at mamamahayag sa isinagawang Damage Assessment on Agriculture and Fisheries sa Balagtas Hall ng Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos City.
Dito ay ipinagkaloob ni Sec. Dar kay Gov. Fernando ang Certificate of Award ng may kabuuang P175.923-million halaga ng seeds at fertilizers para sa apektadong Bulakenyo farmers.
Sa report ni Gigi Carilio, head ng Provincial Agriculture’s Office kay Fernando, aabot sa halos 12,000 ektarya ng bukid na nasa ilalim ng reproductive and maturity stage ang pinadapa ng bagyong Ulysses.
Ayon kay Carilio, ang mga sakahang ito ay nasa bahagi ng North Zone ng Bulacan sakop ng First and Second District.
Nabatid na ang mga magsasaka sa bahagi naman ng South Zone ay hindi apektado ng bagyo dahil hindi sila nakapagpatanim dulot ng kawalan ng supply ng tubig mula National Irrigation Administration (NIA).
Umabot naman sa mahigit 1,000 ektarya ng vegetable farm ang nasalanta ng bagyo at ang mga ito ay nasa mga bayan ng San Ildefonso, San Miguel at San Rafael.
Tiniyak ni Sec. Dar na sapat ang supply ng bigas sa loob ng susunod na 3 buwan kaya hindi aniya dapat mabahala ang taumbayan.
Inanunsiyo rin ng kalihim ang magandang balita para naman sa mga non-rice farmer gaya ng coconut farmers, corn farmers, sugarcane farmers at maging ang indigenous farmers nationwide na makatatanggap ang mga ito ng P5,000 each na ayuda na kinabibilangan ng P3,000 cash at bigas, manok at itlog worth P2,000 na aabot sa P4.5-billion.
“We will give more aid in many ways, nandyan ang ating gobyerno na handang tumulong at magbigay pag-asa. Let us be one and united sa pagbangon,” ayon kay Dar.
Nabatid na umabot sa halos P10 bilyon halaga ng agricultural products ang pininsala ng mga bagyong Pepito, Quinta, Rolly at Ulysses nationwide.
(ELOISA SILVERIO)
AYUDA NG DA – Iniabot mismo ni Sec. William Dar kay Governor Daniel Fernando ang Certificate of Award ng seeds and fertilizers na nagkakahalaga ng P175.9 million para sa mga Bulakenyong magsasaka na naapektuhan ng mga bagyo. (Kuha ni ELOISA SILVERIO)
457 
