P189.73-M DROGA NASAMSAM NG PDEA

UMABOT sa P189.73 milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), na bunga ng ikinasang serye ng anti-narcotics operation nitong nagdaang linggo katuwang ang iba pang law enforcement agencies ng gobyerno.

Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, bukod sa bulto-bultong droga, nasa 98 drug personalities din ang kanilang nadakip mula Setyembre 5, hanggang Setyembre 12, 2025 na resulta ng 52 anti-illegal drug operations sa buong bansa.

Sa pinagsama-samang ulat na ibinahagi ni Usec. Perez, mahigit isang kilo ng cocaine ang nasabat sa buy-bust operation sa Brgy. Taggat Sur, Claveria sa Cagayan; 9,907.62 gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana ang isinuko ng isang concerned citizen sa Brgy. Tagapo, City of Sta. Rosa sa Laguna;

Habang isang kilo ng shabu ang nasabat sa Brgy. Sinunoc, Zamboanga City; 300 gramo ng shabu ang nasabat sa Brgy. Sinawal, sa General Santos City;

Isang 1 kilo ng shabu ang nasabat sa Lanao del Sur sa magkahiwalay na buy-bust operations; at 500 gramo ng shabu ang nasabat sa Brgy. San Miguel, Bacong, Negros Oriental.

Kabilang naman sa 98 drug personalities na naaresto ang 50 tulak ng droga; 11 may-ari/tagapag-alaga ng drug den; 5 empleyado ng drug den; 26 na bisita/kliyente sa drug den; 4 couriers; at 2 drug possessors.

Ang isang linggong operasyon ng PDEA kasama ang ilang law enforcement agencies, ay bahagi lamang ng pagtalima ng ahensiya sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mas paigtingin ang kampanya kontra droga.

“Ang mga nagawa nitong linggong ito ay malinaw na pagpapakita ng matinding dedikasyon ng ating mga operatiba at ang bisa ng ating pinalakas na pakikipagtulungan sa PNP at iba pang ahensyang nagpapatupad ng batas,” ani Undersecretary Isagani R. Nerez, PDEA Director General.

“Hindi lang mga pusher ang hinuhuli namin, binabaklas din namin ang buong network ng droga. Mula sa mga lungga hanggang sa mga distributor, malinaw ang aming mensahe na walang lugar ang ilegal na droga sa aming mga komunidad,” Sabi pa ni Nerez.

Naninindigan ang PDEA sa walang humpay na kampanya nito sa pagpapakilos sa lahat ng legal at operational na pwersa para tugisin ang mga drug lord, protektahan ang ating mga kabataan, at masiguro ang isang Bagong Pilipinas na walang droga para sa lahat ng Pilipino.

(JESSE RUIZ)

140

Related posts

Leave a Comment